Una sa Balita

Guiao ‘suko’ na kay Clarkson

0 377

bomalabs

UNTI-UNTI nang nawawalan ng pag-asa si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na makakasama at makakalaro pa si Fil-Am at NBA player Jordan Clarkson kasama ng pambansang koponan sa nalalapit na FIBA Basketball World Cup sa Foshan, China.

“It’s too late at this point,” sabi ni Guiao sa isinagawang send-off ng pambansang koponan sa Meralco Multi Purpose Hall Miyerkoles nang hapon. “Mukhang wala na si Jordan.”

Hindi na rin aasahan ni Guiao ang naganap noong 2018 Asian Games na tulad sa inaasahan ay dumating mismo sa kalagitnaan ng laro ang miyembro ng Cleveland Cavaliers sa NBA upang makasama ang bumubuo sa pambansang koponan sa unang laro nito sa eliminasyon.

“Si Don Clarkson na lang daw ang sasama namin,” pagbibiro ni Guiao patungkol kay Don Trollano, na huling inalis ng koponan sa Asian Games upang bigyang daan si Clarkson.

Aminado si Guiao na nakatuon na ang Gilas Pilipinas na hindi makakasama si Clarkson dahil sa sitwasyon na hindi ito papayagan ng FIBA na maglaro para sa World Cup dahil 10 araw na lamang ang natitira bago nila makalaban sa unang laro ang Italy sa Agosto 31.

Si Clarkson ay isinama sa 19-man pool ng Gilas Pilipinas base sa posibilidad na payagan ang dating Los Angeles Lakers guard na makapaglaro bilang isang local player.

Nakasaad sa FIBA rules na tanging isang natura­lized player player lamang ang papayagang maglaro sa koponan kung saan si Clarkson ay kabilang sa naturalized player.

Una nang ipinaglaban nina Guiao na dapat makalaro bilang isang local si Clarkson dahil nakakuha ito ng kanyang Philippine passport sa edad nitong 16-anyos. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy