Una sa Balita

Guiao inako ang kabiguan ng ‘Pinas vs Korea

By
0 1,026

Jakarata — Krusyal na apat na minuto sa pagsisimula ng ikaapat na yugto ang nakaligtaang bantayan ng Team Pilipinas Lunes nang umaga upang mabigo sa nagtatanggol na kampeong South Korea 91-82 at tuluyang magpaalam sa labanan para sa medalya ng ginaganap na 18th Asian Games dito sa Gelora Bung Karno Basketball Hall.

Hindi naalagaan ng Pilipinas ang itinalang walong puntos na abante papasok sa ikaapat na yugto upang makalasap muli ng kabiguan sa ilang dekada nitong karibal na South Korea at maaga pang mapatalsik sa labanan sa medalya sa kada apat na taong multi-sports na torneo.

“I take full responsibility. We were in the game until the last 5-6 minutes,” sabi ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao matapos ang laro. “We were not just comfortable with the zone (defense).”

Sinandigan ng mga Korean ang matinding outside shooting­ sa paghulog ng tatlong sunod na tres para agawin ang abante sa ikaapat na yugto at hindi na nito binitiwan sa huling anim na minuto upang tuluyang­ patalsikin ang koponan na pinamunuan ni NBA guard Jordan Clarkson.

Huling kinapitan ng madaliang binuong pambansang koponan ang 68-67 sa ikaapat na yugto bago na nakuha ng mga Korean ang tikas sa tres upang gantihan ang bawat ipinapasok na puntos ng mga Pinoy.

Inihulog ng mga Korean ang 13-4 atake tampok ang tatlong sunod na tres upang agad na dismayahin ang ‘Pinas.

Nalasap ng Gilas ang ikalawang sunod na kabiguan matapos na unang mabigo sa China at nahulog na lamang sa classification phase kung saan tanging pinakamataas nitong maaabot ay ang ikalimang puwesto.

Huling tumapos ang koponan na ikapitong puwesto noong 2014 Incheon Games.

Pinamunuan ni Clarkson ang Pilipinas sa 25 puntos tampok ang apat na triples, walong rebounds at tatlong assists.