Una sa Balita

Guest ninakawan sa Gokongwei-Go Hotel-Davao

By
0 379

NANAKAWAN na ng P16,000 at SGD $200 ang dayuhang si Dereck Stephenson sa Go Hotel-Davao ay sinisi pa siya ng pamunuan ng hotel sa pagkawala ng kanyang pera.

Ang Go Hotel ay pag-aari ng mga Go­kongwei.

Sabi ni Stephenson sa kanyang Facebook post, nanakawan siya noong June 11, 2018 ng bandang alas-11:15 nang gabi at kaagad niya itong ini-report sa hotel security.

Ayon sa kanya, limang tao ang nangbiktima sa kanya at tatlo doon ang napansin na niyang labas-masok sa hotel.

Nakiusap si Stephenson sa hotel security na isara ang mga pintuan para hindi na makatakas ang mga magnanakaw at tawagan agad ang police pero hindi siya pinakinggan nito.

Imbes na tulu­ngan, ang dayuhan ay sinisisi umano ito ng pamunuan ng Go Hotel sa pangyayari dahil bisita naman daw niya ‘yung mga magnanakaw.

Dagdag pa ni Stephenson, nakita ng hepe ng hotel security ang pangyayari at ang kanyang pag-confront sa mga nagnakaw.

Kasunod ng pangyayari ay ayaw umanong tanggapin ng Go Hotel ang responsibilidad nito at tumangging ipakita ng hotel ang CCTV footage ng pangyayari.

Ayon naman sa mga pulis na nag-aasikaso sa kanya, nanakawan siya dahil sa security breach at negligence ng mga tauhan ng Go Hotel.

Tinanong ng Abante ang Go Hotel tungkol sa insidente pero hindi ito nagbigay ng pahayag.