Una sa Balita

Guarte lumipat sa Obstacle Racing

0 220

TULUYANG nagpasya ang beteranong Southeast Asian Games middle distance runner na si Mervin Guarte na iwanan ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) upang maging parte sa pinakabagong disiplina na Obstacle Sports Racing.

Sinabi ng 28-anyos mula Calapan, Oriental Mindoro na si Guarte na nagpasyang magbakasakali na maging parte ng Philippine Obstacle Sports Federation (POSF) matapos na balewalain at tanggalan ng allowance sa dati nitong kinabibilangan na PATAFA.

“Matagal na wala kaming natatanggap na allowance mula sa PATAFA at PSC at hindi ko na rin alam kung kasama pa ako sa athletics team kasi wala naman sinasabi sa amin,” sabi ni Guarte, na patuloy na pag-eensayo kasama ang athletics team sa Lingayen, Pangasinan bago na lamang nagdesisyong lumipat sa Obstacle Course Racing.

“Mahirap kasi sir, hindi ko alam doon kung saan ako patungo. At least dito sa POSF, nakadama ako ng pagmamahal at pagkalinga na para sa isang atleta. Para kaming isang buong pamilya,” sabi ni Guarte, na beterano sa nakalipas na limang edisyon ng SEA Games at kung saan nakapagwagi ito ng tatlong medalyang pilak.

“Hindi pa rin naman ako natatalo sir sa mga events ko dito sa local at ako pa rin ang gold medalist sa national open. Pero hindi ko po alam kung saan ako pupulutin sa PATAFA kasi nga po wala na ako sa listahan ng nakakakuha ng allowance kahit dapat na nasa priority list ako dahil SEA Games medalists din naman ako kahit silver.”

Si Guarte ang pambato ng bansa sa distansiya na 800m, 1,500m at 3,000m kung saan kabilang din ito sa national record holder 4x800m relay at indoor national record holder sa 1,500m na itinala nito sa AIMAG sa Turkemnistan.

Isa si Guarte sa pangunahing manlalaro ngayon ng POSF kung saan sasabak ito sa pinakatampok na event na 5km+20 obstacles kasama si Sherwin Managil. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy