Una sa Balita

Guanzon kay Cardema: magpakamatay ka na lang!

0 421

SINABIHAN ni Commi­sion on Elections (Co­melec) Commissioner Rowena Guanzon si dating National Youth Commissioner Ronald Cardema na tumungo sa kanilang tanggapan at doon magpakamatay.

Ito ang opsyon na binigay ni Guanzon kay Cardema matapos na hindi ito makaupo bilang kongresista ng Duterte Youth Party-list matapos ibasura ng Comelec ang kanyang nominasyon dahil sa pagiging overage.

Sa interview ng DZBB, sinabi ng Guanzon na may tatlong opsyon si Cardema at una dito ay mag-suicide sa harap ng tanggapan ng Comelec.

Aniya, maaaring paatrasin din niya ang panahon para ma­ging 30-anyos lamang siya noong Mayo 13 para maging kuwalipikadong nominee ng Duterte Youth.

Hinamon din ni Guanzon si Cardema na magsampa ng impeachment complaint sa kanya sa Kamara.

Ang panawagan ni Guanzon kay Cardema ay pinost din niya sa Twitter kahapon.
Kasabay nito ay kinastigo din ng Comelec official ang ABS-CBN at CNN dahil sa pagbibi­gay ng importansya kay Cardema.

Sinabi ni Guanzon na tumanggi siyang magpa-interview kay Christian Esguerra ng ABS-CBN News Channel dahil magkokomento lang pala siya sa mga akusasyon ni Cardema. Nitong Sabado ay inakusahan ni Cardema si Guanzon ng pangingikil at paghingi ng pabor kapalit ng pagpapatibay ng Duterte Youth Party-list.

Ani Guanzon, pakulo lamang ito ni Cardema upang isulong ang pagpapa-inhibit sa kanya sakaling maghain siya ng libel case.

Humingi naman ng paumanhin si Guanzon sa pagmamaliit niya sa mga taong nagpatiwakal.

“Sorry I didn’t mean to belittle those who committed suicide,” tweet ng Comelec commissioner.

Kaugnay nito, dumistansiya naman ang Malacañang sa away nina Guanzon at Cardema.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na iginagalang ng Malacañang ang ibang sangay ng gobyerno at hindi ito nanghihimasok sa ano mang panloob na isyu ng mga ito.

Hahayaan aniya ng Palasyo na ayusin nina Cardema at Guanzon ang gusot na namamagitan sa mga ito.

“Well, the case between Mr. Cardema and Commissioner Guanzon, I think is between the two of them. Moreover, the President respects the independence of any constitutional body so the President has not and will not interfere on any function of the Commission, as well as other constitutional bodies,” ani Panelo.

Sa halip aniya na manawagan at humingi ng saklolo si Cardema kay Pangulong Rodrigo Duterte, pinayuhan ito ni Panelo na magsampa ng kaso kung inaakalang may mali sa ginawang pag-disqualify sa kanya ng Comelec bilang party nominee ng Duterte Youth.

“Well, if Mr. Cardema has the goods on anyone, then he should file the appropriate charges,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Tali­ping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy