Una sa Balita

GSIS killjoy sa pabahay sa tondo

Isla Puting Bato Housing Project walang atrasan – Albee Benitez

By
0 538

ITUTULOY ang pamamahagi ng lupa at pagpapatayo ng mga pabahay para sa kapakanan ng mahigit 2,000 pamilyang informal settler na tatamaan ng rehabilitasyon sa Manila Bay.

Ayon kay House committee on housing and urban development Chairman at Negros Occidental Rep. Alfredo ­“Albee” Benitez, hindi magiging sagabal ang pagkuwestiyon ng Government Service ­Insurance System (GSIS) sa hakbang ng Philippine Ports Authority (PPA) patungkol sa donasyong lupa sa Maynila na alay sa mga kababayang maaapektuhan ng ­rehab sa Manila Bay.

Matatandaang nitong Martes, Pebrero 26, 2019 ay lumagda ng Memorandum of Understanding (MOU) ang PPA, National Housing Authority (NHA), City of Manila, International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) at Manila North Harbour Port, Inc., sa public hearing ng House committee on housing and urban development.

Sa nasabing MOU ay ilalaan ng PPA ang 50,000 square meters o limang ektaryang lupang pag-aari nito bilang resettlement site ng mga informal settler sa Isla Puting Bato sa Maynila.

Personal pang sinaksihan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang mga opisyal ang paglagda sa MOU. Si Arroyo rin ang namagitan para mabigyang-daan ang pagkakaloob ng pabahay sa mga informal settler.

Pero sa liham na may petsa nitong Peb­rero 27, 2019 na ipinadala ni GSIS President at General Manager Jesus Clint Aranas kay PPA General Manager Atty. Jay Daniel Santiago ay kinukuwestiyon nito ang pamamahagi ng limang ektaryang lupain at iginiit na 1.2 ektarya dito ay pag-aari ng GSIS.

Binigyang-diin ni Aranas na hindi kinonsulta ang GSIS patungkol sa MOU.

Sa kabila nito, ipinaliwanag ni Rep. Benitez na matutuloy pa rin ang pabahay sa tinatayang 2,000 pamilya.

“May sinasabi ang PPA na kanila, sina­sabi naman ng GSIS may title sila, so kanila. Noong 2012 kinuwestiyon ng PPA ‘yung title ng GSIS. May petition ang PPA sa korte to reclaim ‘yung property or to render a decision kung sino talaga ang may-ari ng lupa. As far as PPA is concern sa kanila, as far as GSIS sa kanila. Ngayon since five hectares naman ‘yan, 1.2 (hectare) ang in question hindi naman sabay-sabay matatapos ng NHA na gawin ‘yung mga pabahay,” ani Benitez sa panayam ng Abante.

May mungkahi ang solon para kahit umangal ang GSIS ay hindi mababalam ang proyektong pabahay.

“So i-e-exclude muna ‘yung 1.2 (hectares) ‘yun ang suggestion ko hanggang matapos ‘yung desisyon kung sino ang may-ari. But in the meantime ituloy na rin ‘yung construction ng NHA doon sa mga walang question properties.

So baka ­timing lang naman ‘yan puwedeng mailabas ang desisyon n’yan tamang-tama doon naman sila magpapatuloy ng construction…3.8 hectares so far walang question. ‘Yung 1.2 lang ang may question so puwedeng itabi na muna ‘yun habang nagde-decide kung sino talaga ang may-ari. Kung mapunta sa PPA tuloy na ‘yung donation (ng lupa),” paliwanag ni Benitez.

Pero binanggit ng mambabatas na kukulangin sa 2,000 pamilyang informal settler kung 3.8 ektarya lamang ang lupang pagtatayuan ng mga bahay.

Kaya naman umaasa ito na magkakaroon ng maayos na resolusyon ang gusot bago pa makumpleto ang proyekto. ­

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy