Una sa Balita

Gringo `no plea’ sa pork scam

By
0 1

Walang ihinaing “plea” si Sen. Gregorio ‘Gringo’ Honasan sa dalawang graft cases na isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman kaugnay ng pork barrel scam.

Binasahan na kahapon ng sakdal si Honasan sa Sandiganbayan Second Division at ang anti-graft court na lamang ang nagpasok ng “not guilty plea” para sa senador.

Itinuloy ng Sandiganbayan ang pagbasa ng sakdal kay Honasan matapos ibasura ng korte ang mosyon nito na ipawalang-bisa ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Nag-ugat ang kaso ni Honasan sa P30 milyong halaga ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) noong 2012 para sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).

Gagamitin umano ang pondo para sa small and medium enterprise at livelihood projects ng mga Muslim na nakatira sa National Capital Region at Zambales kung saan inendorso umano ng senador ang Focus Development Goals Foundation, Inc, bilang non-government organization na partner ng NCMF sa implementasyon ng proyekto.

Subalit sa imbestigasyon ng Ombudsman, nagawa na ang tseke para sa Focus bago pa man naipatupad ang proyekto na nagkakahalaga ng P29.1 million na isang paglabag sa Government Procurement Reform Act.