Una sa Balita

‘Greenhouse’ ng marijuana natunton sa Las Piñas, 2 dayuhan hinuli

By
0 952

ISANG ‘improvised greenhouse’ ang natuklasan ng awtoridad sa bahay kung saan pinapalalaki ang mga high grade na marijuana o kush.

Unang na-trace ng awtoridad ang pinagmulan ng kush base sa isinagawang naunang operasyon nitong nakaraang linggo sa Ayala, Alabang sa Muntinlupa City.

Umaabot ng 30 kilo ng high grade na pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam ng pinagsamang puwersa ng Philippine Drug Emforcement Agency (PDEA) at Las Piñas police matapos ang magkasunod na buy-bust operation na ikinadakip ng dalawang banyaga kahapon sa Las Piñas City.

Sa panayam kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Gene­ral Guillermo Eleazar, nadakip sa naganap na raid si Paul Shon alyas ‘Danny Lim’, isang Korean national, na siyang umookupa ng bahay na matatagpuan sa Silicon Road, Pilar Village, Las Piñas City, dakong ala-una nang hapon.

Ang raid ay bunsod sa nauna nang ginawang buy-bust operation ng PDEA at Las Piñas police, dakong alas-8:30 nang umaga sa isang bahay sa Pilar Village kung saan isang American national naman ang nadakip at nakakumpiska ng aabot sa halagang P40,000 na kush, isang high grade marijuana at shabu.

Sa ngayon ay inaalam pa kung magkano ang kabuuang halaga ng nasamsam na mga high grade na marijuana sa dalawang operasyon habang ang mga suspek ay nakapiit na ngayon sa PDEA detention cell at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.