Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Granular lockdown ipapatupad

0 135

Tulad ng iniulat ko sa aking nakaraang press briefing, ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay susubukan na gumamit ng ibang paraan ng pag-uuri ng iba’t-ibang lugar para sa pagpapatupad ng community quarantine.

Inaprubahan naming mga miyembro ng IATF ang bagong estratehiya na ito habang tinatapos pa ang mga panuntunan. At kamakailan ay inaprubahan namin ang mga alituntuning iyon.

Ang pagbabago ng paraan ng pag-uuri ng mga lugar ay nakatuon sa pagpapatupad ng mga granular lockdown sa pamamagitan ng paggamit ng Alert Level System.

Ang pagsubok ng paggamit ng Alert Levels System bilang tugon sa COVID-19 ay gagawin sa National Capital Region (NCR) mula Setyembre 16 hanggang Setyembre 30, 2021. Ang granular lockdown ay ipapatupad ng 14 na araw sa mga partikular na lugar na may cluster ng mga kaso.

Ang mga lugar na hindi sumasailalim sa granular lockdown ay magkakaroon ng mga paghihigpit sa bawat sektor o industriya. Ang mga paghihigpit na ito ay dapat naaayon sa Alert Levels para sa mga aktibidad sa mga lugar na sarado, matao, o masikip.

Nagpasya ang IATF na baguhin ang estratehiya dahil ang kasalukuyang mga paghihigpit, kahit na ang pinakamahigpit na pag-uuri ng community quarantine, ay tila hindi na gumagana. Maraming tao pa rin ang pinapayagan na gumala-gala. Ang pagbibigay ng pahintulot sa mga tao ay nagresulta sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 noong mga nakaraang linggo.

Sa bagong balangkas ng pag-uuri, ang bilang ng mga taong pinapayagan na lumabas at pumasok sa isang lugar na sumasailalim sa granular lockdown ay ibinaba sa tatlong uri lamang ng Authorized Person Outside of Residence (APOR).

Ang mga APOR na ito ay ang mga healthcare workers at ibang allied health professional na walang lugar sa healthcare facility, mga papasok at papalabas na OFW, at mga indibidwal na maaaring ituring na nasa pambihirang kalagayan o medical emergencies.

Sinusuportahan ko ang patakarang ito dahil naniniwala ako na ang total lockdown ay dapat iwasan hangga’t maaari. Ang COVID-19 ay mananatili sa mahabang panahon at hindi natin pwedeng hayaan na magutom ang ating mga kababayan dahil sa pagkawala ng oportunidad na makapaghanapbuhay.

Lagi kong sinasabi na ang dapat nating pagsikapan ay ang kumpletong kalusugan. Makakamtan lamang natin ito sa pamamagitan ng maingat na pagbabalanse ng ating tugon sa COVID-19. Kailangan natin isaalang-alang ang kalusugan ng mga tao pati na ang katatagan ng ating ekonomiya.

Nakikiusap ako sa lahat na sumunod sa mga alituntunin ng bagong patakaran na ito. Itetest ang pagpapatupad nito sa NCR nang dalawang linggo. Pagtapos ay pag-iisipan ng IATF kung ang bagong estratehiyang ito ay mas epektibo sa pagpapababa ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 bago ito ipatupad ng gobyerno sa buong bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.