Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Granada pinasabog sa tindahan, mag-anak sapol

0 323

Sugatan ang apat katao matapos ang naganap na pamamaril at paghagis ng granada ng hindi pa kilalang mga suspek na riding-in-tandem, Miyerkoles ng gabi sa bayan ng Matalam sa lalawigan ng Cotabato.

Kinilala ni Police Major Junrel Amotan, hepe ng Matalam Municipal Police Station, ang mag-anak na biktima ng pagsabog ng granada ay sina Elizabeth at Florencio Wahing at ang kanilang 10-anyos na anak, habang hindi naman nabanggit ang pangalan ng biktima na nabaril ng mga suspek.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:05 kamakalawa ng gabi sa isang tindahan sa Purok Uno, Barangay Kilada ng nasabing bayan.

Nabatid na pinagbabaril ng hindi pa kilalang mga suspek na riding-in-tandem ang isang lalaking biktima, at bago tumakas ay naghagis pa ng granada ang isa sa kanila at nahagip ang mag-anak na nataong nasa harapan ng tindahan.

Agad namang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima matapos na magtamo ng mga shrapnel mula sa sumabog na granada sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente, gayundin sa posibleng pagkilala sa mga suspek at agarang pagdakip sa mga ito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.