Una sa Balita

Gramo

0 772

Noong nakaraang linggo ay ini­lunsad po natin ang ‘Gramo’, isang 50-minute documentary film tungkol sa war on illegal drugs na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

Dito mapapanood at malalaman ng publiko kung ano na ang mga nagawa ng Duterte administration sa kampan­ya sa iligal na droga. Kabilang na dito ang mga realidad at kinakaharap na hamon ng mga kasama sa operasyon, ang estado ng kampanya makalipas ang mahigit tatlong taon, pati na ang mga isyung kinakaharap ng mga alagad ng batas, kabilang na dito ang Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Hindi naman kaila sa lahat na hanggang ngayon ay binabatikos pa rin ng mga kritiko ang anti-drug campaign ng Pangulo at ginamit pa ito para siraan ang Presidente sa international community.

Kaya naman po nabuo ang docu-film na ito dahil mandato ng aking tanggapan — ang Pre­sidential Communications Operations Office (PCOO) na ipaalam sa sambayanan at maging sa buong mundo kung ano ang totoo at kung ano ang ginagawa ng gobyerno para malutas ang talamak na problema.

Sa pamamagitan ng ‘Gramo’ ay maipapakita sa publiko kung bakit ganoon na lamang ang kasid­hi ni Pangulong Duterte na malutas ang problema ng iligal na droga sa bansa para maisalba ang susunod na he­nerasyon sa epekto nito.

Malalaman ng publiko sa docu-film na ito kung paano nagsimula ang problema sa iligal na droga, kung paano ito pinabayaan ng ibang nakalipas na administrasyon, at kung ano ang naging aksiyon ng Duterte administration para masawata ang iligal na droga lalo na ang shabu.

Mapapanood po sa dokumentaryo ang mga kahindik-hindik na totoong kuwento ng buhay sa naging epekto ng paggamit ng kada gramo ng shabu, kung paano nawasak ang isang masayang pamil­ya pati na ang walang saysay na pagpatay sa mga inosenteng bata at pagiging saksi ng anak kung paano ginilitan ng kanyang drug addict na ama ang kanyang ina.

Isipin niyo kung paano sinisira ng kada gramo ng droga ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Ipapakita rin dito ang mga ginawang pag-aresto sa mga sangkot sa illegal drug trade at ang kontrobersyal na pagkamatay ng binatilyong si Kian delos Santos sa kamay ng police scalawags na nagsilbing batik sa anti-drug campaign, at ginawang butas ng mga kritiko para siraan ang administrasyon sa ibang bansa.

Isa sa mga dahilan kung bakit ginawa po natin ang film documentary ay para ipakita sa ibang bansa lalo na sa international critics ng Duterte administration na hindi polisiya ng gobyerno ang extrajudicial killings at mali ang ipinangangalandakan ng mga kritiko na nasa 27,000 na ang napatay sa war on drugs.

Batay sa record ng gobyerno, nasa 5,700 hanggang 5,800 ang totoong bilang ng mga napatay sa anti-drug operations.

Bibigyan po natin ng kopya ng “ Gramo” ang international community, pati na ang diplomatic community at permanent missions natin sa United Nations sa Geneva, Switzerland at sa New York para maitama ang maling impresyon sa war on drugs ng Duterte administration at malaman nila ang totoong nangyayari sa bansa.

Ipinalabas po nitong Huwebes sa PTV4 ang “Gramo” at para sa mga hindi nakapanood, makikita ito sa lahat ng facebook accounts na pinapangasiwaan ng PCOO.

Lahat po ng mga instrumento para maipaabot sa mga Pilipino ang mensahe ng docu-film ay ilalarga po natin kabilang na dito ang pag-distribute sa mga local government units at maging sa lahat ng mga barangay sa buong bansa sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ipapalabas din po ito sa airport terminals, istasyon ng bus, train, seaport pati na sa mga pampasaherong bus para mapanood ng lahat ng mga Pilipino.

Makikipag-ugnayan na rin po tayo sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para mapanood ng lahat ng mga estudyante ang dokumentaryo para mabuksan ang isipan ng mga kabataan sa masamang epekto ng illegal na droga, pati na ang magiging kahihinatnan kapag nagpasakop sila sa masamang bisyong ito.

Bukod sa documentary, isinabay na rin natin ang paglulunsad ng magazine na may pamagat na “ Saving The Future of a Nation: Countering Hard Drugs” na naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa illegal drugs, pati na ang datos sa tagumpay ng war on drugs.

Simula nang ilunsad ang anti-drug campaign ay nakakumpiska na ang mga otoridad ng kabuuang 37-bilyong pisong halaga ng shabu, 2,734 na mga bata ang nasagip sa mga illegal na aktibidad na may kinalaman sa illegal na droga, mahigit pitong daang taga-gobyerno ang naaresto, 425 na mga laboratoryo at drug dens ang nabuwag, at 459,000 na drug addicts ang naisailalim sa rehabilitasyon sa hangaring makapagbagong buhay ang mga ito.

Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa malakas na political will ni Pangulong Duterte.

Ang tagumpay ng war on drugs ang magiging pamana po ni Pangulong Duterte sa mga Pilipino para sa isang komportable at may dignidad na pamumuhay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More