Una sa Balita

Graduation at trabaho

0 374

Ngayong panahon ng graduation, maraming kabataan na graduating class ang lalo pang magiging proud sa kanilang sarili. Matapos ang ilang taong pagsusunog ng kilay at dibdibang pag-aaral, matatanggap na nila ang pinakaaasam na college diploma.

Ang pakiramdam nila ay nakatuntong sila sa ulap. Ang tingin nila ay magbubukas ang mga pinto ng oportunidad para sa kanila, lalo’t tangan-tangan nila ang kanilang edukasyon.

Kung proud ang anak, mas proud ang nanay at tatay dahil nagbunga ang kanilang pagsasakripisyo mapagtapos lang ang bata sa pag-aaral. Biglang natanggal ang kanilang pagod sa sangkaterbang oras na ino-overtime sa trabaho para may dagdag kita. Mababawasan din kahit papaano ang mga worry nila dahil hindi na sila maglo-loan sa kooperatiba ng kanilang kompanya o magvi-Viber sa isang maykayang kamag-anak sa abroad para manghiram ng pera. Higit sa lahat, may maikakabit nang diploma sa dingding ng kanilang bahay.

Pagkatapos ng graduation, papasok naman ang expectation. Tradis­yon na yatang manlibre sa unang suweldo ang isang tao at inaasahan din na makatutulong siya sa renta ng bahay, groceries, kuryente at tubig, at kung perma­nente na, makapag-ambag sa pag-aaral ng nakababatang kapatid.

Matutupad lang ang mga ito kung makakaha­nap ang mga aplikante ng kauna-unahang trabaho sa tanang buhay nila.

Base sa January 2018 Labor Force Survey, bu­maba na lang sa 5.3% sa buong bansa ang unemployment rate mula sa 6.6 percent noong January 2017. Pumapalo na sa 94.7% ang employment rate o mahigit 40 milyong Filipino ang kasaluku­yang may trabaho.

Kahit nadagdagan ngayong taon ang mga Filipino na nagkatrabaho, tila nasapol naman ng mapait na tadhana ang sektor ng kabataan dahil lumalabas sa parehong survey na halos 50% ng mga taong walang trabaho ay mga kabataang edad 15 hanggang 24. Mapapasama pa rito ang tinatayang 800,000 bagong mga graduate ngayong taon.

Bilang isang mambabatas, tinitingnan natin kung papaano tayo makalilikha ng panukalang batas na makatutulong sa pagpapalakas pa ng mga serbisyong pang-empleyo na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan at gobyerno.

Napakamoderno na ng panahon. Usong-uso ang iPad at cellphone at pati ang Facebook, pagse-selfie, Viber, Messenger, pagtu-tweet. Marami ang nakaka-relate sa mga FB post, chat, at tweet pero sa tingin natin ay angkop na angkop pa rin ang sinabi ng ating National Hero na si Jose Rizal na ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan.’

Huwag po sana nating biguin ang mga pangarap ng kabataang magsisipagtapos. Congratulations sa inyo, kasama ang aking dasal.