Una sa Balita

Graduating student nagbigti sa Albay

By
0 1,536

Inaalam pa ng pulisya ang dahilan nang ginawang pagpapakamatay ng isang lalaking graduating student matapos na matagpuan itong nakabigti sa loob ng kanyang kuwarto kahapon ng umaga sa Legazpi City, Albay.

Kinilala ang biktimang si Jan Rey Esplana, 20, graduating Management student sa Bicol University (BU) Legazpi City campus at residente ng Brgy. Pawa ng nabatid na lungsod.

Base sa nakarating na ulat sa Police Regional Office (PRO) 5 sa Camp Simeon Ola, nadiskubre ang pagpapakamatay ng biktima pasado alas-sais ng umaga nang tatawagin sana ito ng kanyang magulang upang mag-almusal at para pumasok na sa eskwelahan.

Subalit nakailang tawag na sa biktima ay hindi ito sumasagot kaya pinuntahan na ito sa loob ng kuwarto at la­king gulat ng ina nito ng tumambad sa kanika ang wala ng buhay na anak at nakabigti gamit ang straw.

Base sa salaysay ng mga magulang ng biktima sa pulisya, duma­ting ito kamakalawa ng gabi sa kanilang bahay at tuluy-tuloy itong nagkulong sa kanyang kuwarto na nasa ikalawang palapag.

Hindi naman ito pinansin ng mga kasamahan sa bahay sa pag-aakalang pagod lang ito hanggang sa kahapon ng umaga ay madiskubre itong wala ng buhay.

Wala naman umanong alam na motibo ang mga magulang ng biktima dahilan upang magpakamatay ang kanilang anak kaya sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon para malaman kung ano ang nag-udyok sa estudyante para magpakamatay.