Una sa Balita

Grade 8 student nahulihan ng marijuana sa eskuwelahan

By
0 1,307

ARESTADO ang isang Grade 8 student nang mahulian ng hinihinalang marijuana sa kanyang pag-iingat sa loob ng Bacoor National High School sa Bacoor City, Cavite.

Hawak ngayon ng Bacoor City Social Welfare Development ang suspek na si alyas Mack-Mack, 17, ng Bacoor National High School at residente ng Brgy. Bayanan, Bacoor City, Cavite.

Sa report ni SPO1 Michael Legaspi Jr, ng Bacoor City Police Station, dakong alas-4:30 nang hapon nang naaresto ang suspek ng guwardiyang si Roilan Norcio, 28, sa loob nang nasabing eskuwelahan sa Burol, Brgy. Molino 1 Bacoor City, Cavite.

Ayon kay Legaspi, napansin umano ni Norcio ang suspek na may suot na hikaw na ipinagbabawal sa loob ng eskuwelahan kaya tinawag niya ito subalit umiwas ito dahilan upang kanyang lapitan at inspeksiyunin ang kanyang dalang backpack kung saan nakuhaan ng hinihinalang 10.50 gramo na marijuana na nakasilid sa isang pad dahilan upang arestuhin.

Patuloy ang isinasagawang imbes­tigasyon ng pulisya upang matukoy kung saan kinukuha ng mga estudyante ang droga at sino ang nagsu-suplay sa kanila.