Una sa Balita

Grade 5 nakatakas sa kidnapper

0 369

Nadakma ng mga tauhan ng bara-ngay ang isang lalaki nagtangkang dumukot sa isang Grade 5 student matapos na kaagad nakapagsumbong sa kanyang ama nang makatakas sa suspek noong Biyernes nang umaga sa Sta.Cruz, Maynila.

Nahaharap sa kasong abduction in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law, ang suspek na si Rodennis Garcia, 49-anyos, jobless, at residente ng Block 12, Lot 22, Phase 3, E1 Dagat-dagatan, Caloocan City.

Sa naantalang ulat ng Manila Police District-Police Station 3,naganap umano ang insidente dakong alas-nuebe nang umaga noong Hunyo 14 sa Rizal Avenue, kanto ng Yuseco St., sa Sta. Cruz.

Bago ang pagdukot, inutusan umano ng kanyang mga magulang ang biktima na magtungo sa Anacleto Street para bumili ng pagkain.

Habang naglalakad , nakita umano ng suspek ang biktima at tinawag ito at sinabihang, “Halika, may ibibigay ako sayo, ibigay mo sa tatay mo, sumama ka sa akin.”

Tumanggi naman ang dalagita pero puwersahan itong isinakay ng suspek sa bisikleta nito at saka binagtas ang T. Mapua St.

Pagdating sa M. Ponce Elementary School, bumaba ang suspek ng bisikleta na sinamantala umano ng biktima at kumaripas ng takbo pauwi ng kanilang tahanan.

Kaagad na isinumbong ng biktima sa kanyang tatay ang ginawa ng suspek, kaya kaagad itong humingi ng tulong sa mga barangay officials.

Papaalis na umano ang suspek nang abutan at arestuhin ng mga barangay officials at kaagad na binitbit sa Alvarez Police Community Precinct (PCP) para maimbestigahan. (Juliet de L­oza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy