Una sa Balita

Grade 10 na papasok sa school timbog sa 10 plastic ng marijuana

By
0 178

Buking ang pagtutulak ng damo ng isang estudyante makaraang mahulihan ng 10 plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana habang papasok ng paaralan kamakalawa nang umaga sa Brgy. Caniogan, Pasig City.

Nakilala ang estudyante na si John Arbie Echague, 18-anyos, Grade 10 student ng Rizal High School at residente ng No. 1428 Suarez St., Brgy. Maybunga, Pasig City.

Ayon kay Supt. Rizalito Gapas ng Pasig Police, marami na silang nababalitaan na maging ang mga mag-aaral ay ginagamit para magtulak ng droga sa loob ng school kaya mahigpit nilang mino-monitor ang mga kabataan na naeengganyo na magtulak ng iligal na droga para kumita.

Batay sa report, papasok na sana ang suspek sa kanyang paaralan bandang alas-7:20 kamakalawa nang umaga nang sitahin ng security guard ng paaralan para sa bag inspection at doon na tumambad ang mga pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana sa bag.

Nakumpiska mula sa estudyante ang 10 piraso ng plastic sachet ng marijuana.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell habang inaayos ang kasong paglabag sa Section 11 ng Article II ng RA 9165 o illegal drugs act.