Una sa Balita

Grace kay Alan: ‘Wag pa-cute sa ABS-CBN, 11K empleyado apektado

0 947

Hinikayat ni Senadora Grace Poe ang mga kapwa mambabatas na tiyakin na maaari pang mag-operate ang ABS-CBN habang tinatalakay ng Kongreso ang franchise extension para maprotektahan ang 11,000 manggagawa na maapektuhan ng pagsasara nito.

“Kahit sabihin pa nila na puwede naman ‘yan i-extend hanggang 2022, maganda siguro kung in writing o kaya at least verbally sabihin ng Kongreso, ‘We commit to give ABS-CBN through the National Telecommunications Commission (NTC) a temporary permit to operate’ kasi hindi naman ‘yan nakasulat sa batas. ‘Yan ay kortesiya lamang na ibi­nibigay ng Kongreso at NTC,” pahayag ni Poe.

“Hindi biro kung matigil ang operasyon dahil alam naman natin 11,000 trabaho ang apek­tado rito,” dagdag pa nito.

Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na maaari pang mag-operate ang ABS-CBN kahit mapaso na ang prangkisa nito sa Marso 30 hanggang may pending bill ito para sa extension ng kanilang prangkisa.

Sinabi rin ni House Speaker Alan Peter Ca­yetano nitong Biyernes na maaaring kumuha ang network ng provisional authority sa NTC habang nakabinbin ang franchise renewal nila sa Kongreso.

Naghain si Poe ng Senate Resolution 322 na nag-aatas sa Senate Committee on Public Services na magsagawa ng pagdinig para malaman kung sumusunod ba ang ABS-CBN sa termino ng kanilang prangkisa.

Pitong senador ang sumuporta sa resolus­yon. Sabi ni Poe ang gagawing pagdinig ay makakatulong sa mga senador sa kanilang magiging pagpapasya kapag nasumite na ang franchise bill at mapagdebatehan na sa Senado.
Sa ngayon, hindi pa sinisimulan sa Kamara ang deliberasyon ng franchise application ng ABS-CBN.

Sabi ni Poe, ang pagdinig ng Senado ay nakatuon sa diumano’y paglabag ng network. Lahat ng partido ay bibigyan ng oportunidad na mailahad ang kanilang panig para malaman ng tao ang totoong isyu.

“Walang perpekto. Ako ang isip ko diyan ay bukas dahil maraming nag-a-apply ng prangkisa, wala namang perpekto,” sabi ni Poe.

“Walang duda na may serbisyong ibinibigay ang network ng ABS-CBN pero ito timbangin natin — ang serbisyo ba na ibinibigay ng ABS-CBN ay akma o kayang isan­tabi ang mga kakula­ngan nito?,” lahad pa niya. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More