Una sa Balita

GRABE! PARANG TWISTER MOVIE!

By , , , ,
0 4

Inihambing sa pelikulang ‘Twister’ ang ipinakitang bangis ng Super typhoon ‘Lawin’ sa magdamag nitong pananalasa at pagbayo iba’t ibang lalawigan sa northern Luzon.

Sa panayam ng DZMM kay Isabela Gov. Fautino Dy, sinabi nito na labis na nagdulot ng takot sa mga residente ang napakalas na hangin at halos itumba na umano ang kanilang mga rescue vehicles.

“Talaga naman kung maihahambing namin iyung ibang karanasan namin, ibang-iba po ito. Talagang napakalakas. Kung nakita niyo po iyung pelikulang Twister, talagang halos itumba iyung aming mga rescue van dahil sa tindi po ng hangin na dumapo po dito sa aming lalawigan,” anang gobernador.

“Sobrang lakas talaga—hindi lang napaka­tindi kundi napakahabang oras na binabayo ang aming lalawigan”, dagdag pa nito.

Maraming puno, gusali at mga bahay, poste ng kuryente ang pinadapa ng nasabing bagyo.

8 patay

Walo ang iniulat na iniwang patay ni Lawin, ayon kay Ricardo Jalad, executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na batay sa kanilang natanggap na ulat sa mga lokal na pulis umaabot sa pito ang nasawi subalit patuloy pa itong kinukumpirma.

Dalawa construction worker ang nalibing ng buhay nang bumigay ang kanilang kubo sa naganap na landslide sa La Trinidad, Benguet; 2 ang nalunod sa Bontoc; dalawa sa lalawigan ng Isabela at isang CAFGU na naka-duty ang nasawi naman nang tamaan ng debris sa kasagsagan ng kalakasan ng hangin at pag-ulan sa Ilocos region.

Ayon kay Benito Ramos, dating NDRRMC executive director at ngayon ay consultant ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), isang 70-anyos ang inatake sa puso habang siya ay nasa evacuation center.

Umaabot naman sa 18,277 residente ang lumikas sa mga evacuation centers.

Aparri, lubog sa baha

Putol ang komunikasyon at walang supply ng kuryente sa bayan ng Aparri – ang pinakamalayong bayan ng Cagayan ay pinakadulong bahagi ng Pilipinas.

Sa natanggap ng impormasyon ng Abante News Team, isolated sa ngayon ang ilang bahagi ng Aparri lalo na mga barangay na nasa West section o mga lugar na malapit sa ilog at dagat.
Parehong non-passable ang Brgy. San Antonio at Brgy. Punta dahil abot hanggang bewang umano ang tubig matapos sumampa sa mga kabahayan ang malalaking hampas ng dagat.

Tanging linya ng landline ang gumagana sa nga­yon sa bayan ng Aparri.

Pakiusap ng mga tagarito, makarating sana ang ayudang ipinagmamalaki ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tuguegarao City, ‘ghost town’

Mistulang ‘ghost town’ ang malaking bahagi ng Tuguegarao City dahil sa tindi ng hagupit ng super typhoon ‘Lawin’.

Isang residente ang nagparating ng impormasyon sa Abante News Team kung saan halos tubig ang makikita sa buong siyudad.

Nagkalat din ang mga patay na kalabaw, kam­bing, aso, manok at baka dahil sa mataas na tubig baha.

Halos lahat din ng mga  gusali ng government agencies sa Tuguegarao City, kung hindi tuklap ang bubong ay wasak ang mga salamin at bintana.

Halos katulad ng iniwang pinsala noon ng bagyong Yolanda sa Visayas, ganito rin ang tanawin sa Tuguegarao City at sa mga karatig na bayan – mga sira-sirang tahanan, nagtumbahang sasakyan, mga patay na hayop, buwal ang mga punong kahoy at lubog sa tubig-baha ang mga pananim na mais, palay, saging at mga gulay.

28 kalsada sarado

Aabot sa 28 kalsada ang sarado sa daloy ng trapiko sa Cordillera Autonomous Region (CAR) at sa Regions 1, 2, 4 at 5 dahil sa epekto ng bagyong Lawin.

Sa inilabas na ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ganap na alas-12:00 ng tanghali kahapon, nananatiling sarado ang 18 kalsada sa CAR, 1 sa Region I, apat sa Region 2 at lima sa Region III dahil sa pagbaha, nasirang tulay, bumagsak  na electrical post, at landslides.

8 airports sarado

Samantala, isinara kahapon ng Civil Avia­tion Authority of the Philippines (CAAP)  ang walong airport dahil sa bagyong Lawin, ang pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa nga­yong taon, na nanalasa sa northern Luzon.

Ang mga isinarang airport ay ang Laoag sa Ilocos Norte; Vigan sa Ilocos Sur; Baguio sa Benguet; Lingayen sa Pangasinan; Tuguegarao sa  Cagayan; Cauayan sa Isabela; Palanan sa Isabela at San Fernando sa La Union.

Inihayag din ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagkansela ng siyam na flight ng  Philippine Airlines at Cebu Pacific patungong northern Luzon.

Sa lalawigan ng Bulacan, 17 bayan ang nagsuspendi ng kanilang klase dahil sa bagyong Lawin.

4 dam nagpakawala ng tubig

Kaugnay nito, sabay-sabay nagpakawala ng tubig ang apat na panguna­hing dam sa Luzon kahapon.

Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hydro meteorology division, unang nagbukas ang Ambuklao Dam sa Benguet Province at  walong floodgate nito ang nakabukas.

Anim na gate ng Binga Dam sa Itogon, Benguet ang nakabukas; tatlong gate ang pinakawalan ng Magat Dam sa Isabela; habang ang San Roque Dam sa Pangasinan ay paunti-unti na lamang ang pagpapakawala ng tubig.

Sinabi naman ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) na pitong lalawigan ang naputulan ng kuryente, ito ay ang mga lalawigan ng Ilocos Norte, Apayao, Cagayan, Abra, Kalinga, Ilocos Sur, and Mountain Province,” ani Gil Listano, head of Operations and Maintenance.

10 bansa sa ASEAN tutulong

Sampung bansa na kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang nagpahayag ng kahandaang magbigay ng tulong para sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Lawin sa bansa.

Ayon kay NDRRMC spokesperson Mina Marasigan, nakatanggap na sila ng pledges mula sa 10 bansang kasapi ng ASEAN para sa Pilipinas.

Stranded na pasahero

Kumonti na ang bilang ng mga stranded na mga pasahero sa iba’t ibang pantalan ng bansa  kasunod ng paghina ng bagyong Lawin.

Ayon kay Coast Guard Spokesperson Commander Armand Balilo, kabuuang 2,638 passengers, 245 rolling cargoes, 33 vessels, at 39 motorbanca ang hindi pinapayagang makabiyahe dahil sa Bagyong Lawin.