Una sa Balita

Grab-Uber merger may kondisyon, 2M multa sa bawat paglabag — PCC

By
0 145

PINAYAGAN na ng Philippine Competition Commission (PCC) ang pagbili ng Grab sa Uber pero kinakailangang sumunod ito sa ‘service quality and pricing standards’ at may katumbas na P2 milyong multa ang kada paglabag sa mga inilatag na kondisyon ng ahensiya.

Kabilang sa mga kondisyon ng PCC ay ang mga sumusunod:

*Ibabalik ng Grab ang presyo nito para sa acceptance at cancellation bago pa nito binili ang Uber;

*Ipapakita ang breakdown ng singil sa resibo mula sa distansiya, fare surge, discount, promo reductions at per minute waiting charge;

*Hindi ito manini­ngil nang sobrang mahal kumpara sa minimum fare nito;

*Tatanggalin nito ang ‘see destination’ feature para sa mga drayber nila na kaunti lang ang tinatanggap na biyahe;

*Hindi ito maglalagay ng patakaran para maging exclusive ang drayber o operator sa Grab lamang at papayagan nitong magrehistro sa ibang transport network company;

*Magsusumite ito ng quarterly report tungkol sa mga insentibo na ibinibigay sa kanilang mga drayber;

*Magpapatupad ito ng driver performance standards; Driver Code of Conduct; magtatag ng Grab Driver Aca­demy; maglalagay ng emergency SOS feature, help center at passenger no-show feature; Passenger Code of Conduct; magpapanatili ng service lines alinsunod sa labor regulations; Driver Welfare Program; at Driver Rewards Program.

Sabi ni PCC Chairman Arsenio Balisacan, obligasyon ng Grab na sundin ang mga ipina­ngako nito na tutulong masiguro na hindi magiging monopoly ang kanilang negosyo kung saan ay dehado ang mga pasahero.

Hindi lang multang P2 milyon ang maaa­ring harapin ng Grab kapag nilabag nito ang mga ipinangako sa PCC dahil maaari rin bawiin ang ‘merger’ sa Uber.