Una sa Balita

Grab pasusuwelduhin mga deactivated driver

0 135

PASUSUWELDUHIN ng Grab ang mga driver nitong na-deactivate nang dahil sa pagkakamali ng kompanya.

Nilinaw din ni Grab Philippines country manager Brian Cu, na hindi lang mga hatchback ang na deactivate na accounts nang nag-live siya sa Facebook, Martes nang gabi.

Sa 5,000 accounts na dine-activate ng Grab, marami din dun ang mga sedan at maliit na porsyento lamang ang mga hatchback.

Sabi ni Cu, nagdesisyong magdeactivate ang Grab ng drivers matapos ito makatanggap ng listahan ng mga may provisional autho­rity para mag TNVS mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Ikinumpara ng Grab ang listahan ng LTFRB at ang listahan nito ng mga driver na bumibiyahe kaya’t natuklasan nitong may mga driver na bumibiyahe na walang sapat na papeles. Tinext ng Grab ang 8,000 na drivers tungkol sa kakulangan ng kanilang mga dokumento. Sabi niya, 3,000 ang rumesponde at nagsumite ng mga kulang na dokumento at ‘yung 5,000 lamang ang na-deactivate.

Sabi ni Cu, may mga nagrereklamo na nagsumite sila ng dokumento pero na-deactivate pa rin sila.

Ayon sa kanya, marami ang dahilan kung bakit ito nangyari: Lumampas na ang deadline ng pagsusumite nang dinala ang papeles, hindi malinaw ang mga kopya na isinumite, hindi tugma ang detalye sa papeles lalo na’t kung wala pang plate numbers nu’ng unang nag-apply at naisyuhan na kaya hindi nagtutugma ang nasa aplikasyon o hindi maayos ang pagkakaorganisa ng papeles na isinumite.

Sabi ni Cu, nagtayo na ang Grab ng special booth sa number 11 Malakas St., Diliman, Quezon City para tulu­ngan ang mga driver na na-deactivate.

“Kung mapapatunayan ninyo na nag-submit kayo on time, may compensation kayo for the days lost in dri­ving… para patas lang,” sabi ni Cu.

Nanawagan ang Grab sa mga nagra-rally na may ibang paraan para maa­yos ang problema katulad ng pakikipag-usap sa pamahalaan na makapagbibigay ng solusyon sa kanilang problema. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy