Una sa Balita

Grab parusahan at obligahing mag-isyu ng resibo

By
0 393

Upang kuwentas klaras sa publikong manana­kay sa Grab Philippines ay dapat obligahin ito na mag-isyu ng resibo.

Ito ay matapos na mabuking na nagpapataw ng dagdag na singil ang Grab sa kanilang pasahero ng P2 per minute.

Umamin mismo si Grab country head Brian­ Cu na hindi na nila ipinaalam sa publiko at lalo na sa LTFRB na nagpataw ito ng karagdagang singil na 2 piso kada minuto.

Isa itong panloloko sa publiko at lalo na sa gobyerno samantalang ang ibang mga transport group ay kaila­ngang magpetisyon pa at paaprubahan sa LTFRB ang anumang nais na pataw sa singil sa pasahe.

Dahil sa mismong pag-amin ng pinuno ng Grab ay dapat kumilos agad ang LTFRB, papanagutin at parusahan ang nasabing transport network company para na rin sa interes ng publiko.

Maaaring pagmultahin at suspendihin pan­samantala ang operas­yon nito upang mabigyan ng leksyion.

Samantala, dapat ay agad isoli ng Grab ang siningil nitong 2 pesos per minute sa mga pasahero.

Maituturing na iligal at pagsasamantala ang hakbang na ito ng Grab na dagdag singil na walang pahintulot mula sa LTFRB at hindi ipinaalam sa pasahero.

Kaugnay nito ay marapat ding obligahin ang Grab na mag-isyu ng resibo sa kanilang mga pasahero.

Kahit hindi na normal na papel kundi ay electronic receipt ang ibigay ng Grab sa mga customer upang makita ang detalye ng binayaran ng pasahero.

Inaasahan din natin na sa lalong madaling panahon ay agad nang maaprubahan at mapasimulan na ang operas­yon ng mga bagong TNC upang magkaroon ng kakompetensiya ang Grab at maraming mapagpi­lian ang publiko.