Una sa Balita

Gov’t car ginamit! PCG personnel sibak sa pag-pickup ng prosti

0 385

ITINIWALAG sa serbisyo ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isa nitong tauhan matapos mapatunayan na ginamit nito ang isang government vehicle sa pag-pickup ng ilang prostitute sa isang video­ke bar noong Dis­yembre 2019

Kinilala ni PCG Spokesman Capt. Armand Balilo ang sinibak na personnel na si Seaman Second (SN2) Abulhair Turabin dahil sa kasong grave misconduct.
Ang pagsibak sa tungkulin kay Turabin ay base na rin sa rekomendasyon ng PCG-Logistics Command kung saan si Turbin ay personnel sa ilalim ng Real Estate Ma­nagement Office of the PCG-Logistics Command.

Nabatid na nakunan ng video si Turabin na kumuha ng dalawang babae sa Heart Beat bar at saka dinala sa isang bahay sa Quezon City.

Nang matanggap ng PCG ang reklamo kaagad na isinailalim sa preventive suspension si Turabin.

Kaagad naman nagsagawa ng imbestigasyon ang PCG matapos na maiparating sa kanila ang reklamo.

Ayon kay Balilo, hindi kinukonsinte ni PCG Commandant Admiral Joel Garcia ang mga maling gawain ng sinumang nasa loob ng kanilang hanay.

Aniya, ang pagtanggal sa tungkulin kay Turabin ay magsisilbing babala sa ibang tauhan ng PCG lalo na iyong mga pasaway na personnel. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More