Una sa Balita

Governor Cua tinaningan ng Ombudsman sa graft

0 2,152
INATASAN ng Office of the Deputy Ombudsman for Luzon si Catanduanes Governor Joseph Cua na sagutin ang cri­minal at administrative complaints na isinampa ng Catanduanes Crusaders Against Illegal Drugs and Corruption (CCAIDC) dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
 
Sampung araw ang ibinigay na taning kay Cua upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng preventive suspension.
 
Base sa reklamo na isinampa ng CCAIDC, ang ginawang pakikialam o panghihimasok ni Cua sa pamamagitan ng Catanduanes Power Generation, Inc. (CPGI) sa National Power Corporation (Napocor) at National Electrification Authority (NEA) ay isang lantarang paglabag  dahil ginamit nito ang kanyang tanggapan para impluwensyahan ang renewal ng sublease agreement sa pagitan ng First Catanduanes Electric Cooperative Inc. (FICELCO) at CPGI. 
 
Ipinapakita umano sa liham ni Cua na inendorso at inirekomenda nito ang pagpapalawig sa lease contract sa pagitan ng FICELCO at CPGI, gayung nagdesisyon na ang NCP na ipatigil ang nasabing kotrata.
 
Nakasaad din sa reklamo na sa kabila ng kawalan ng kakayahan ng CPGI na magsuplay ng kailangang elektrisidad ay inendorso pa rin ito ni Cua.
 
Tinukoy ng CCAIDC na may personal na interest si Gov. Cua sa kontrata dahil ang supplier ng CPGI na Po­werzone Corporation ay pag-aari umano nito.  
 
Kasama sa kinasuhan ang ilang kapamilya ni Cua na sina Peter Cua, Teresita Cua, Asuncion Cua, Nancy Cua, Jay Cua, Jeric Cua, Kristine Thea Cua, at Cristina Young, na incorporators  ng Powerzone Corporation, at si CPGI president Joselito Abrogar. 
 
Ang kautusan ng Ombusman ay bahagi ng aktibong kampanya ng gobyerno laban sa graft and corruption.