Una sa Balita

Government Strategic Communications Training Center itatayo sa Bukidnon

0 367

Tagahanga ako ng mga pasilidad. Kapag nasa isang lugar ako ay minamasdan ko ang mga imprastruktura roon, at doon ko ibinabatay kung maunlad o hindi ang lokasyon, at siyempre, kung nagtatrabaho nang maayos ang mga local official. ‘Pag walang mga establisimyento, ibig sabihin ay usad-pagong ang pagsulong.

Gaya rin sa sistema ng komunikasyon.

Nang italaga ako ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang PCOO head ay agad kong pag-aralan ang kalagayan ng media facilities ng ating pamahalaan. Ayaw ko nang banggitin ang estado ng PTV at ng Radyo Pilipinas maging ng mga opisina sa New Executive Building at sa Philippine News Agency nang aking madatnan. Kaya ang mga ito ang aking inu­na—na batay nga sa direktiba ng Pangulo ay dapat state of the art tulad ng sa BBC sa UK.

Ngayon, kung dadalaw po kayo sa mga pasilidad na nabanggit ko at makikita ninyo ang mga pagbabago, gusto kong sa inyo na mismo manggaling ang impresyon.

Pero hindi puwedeng sa Metro Manila lang may improvement ang media outfit ng gobyerno. Sa paglilibot ko sa mga rehiyon ay nakita ko na kailangan din talaga na i-upgrade ang kanilang mga opisina at kagamitan, maging ang training ng mga kawani.

At dahil agresibo ang ‘Build Build Build’ project ng pamahalaan, nakasama sa mga nabig­yan ng big ticket project ang PCOO.

Noong Mayo 3, 2018 ay inilunsad ng Duterte administration ang pagtatayo ng Mindanao Media Hub sa Davao City. Kauna-unahan ito sa rehiyon kung saan ang radio, TV, print, wire service, intra-personal communication, online, and new media ay sama-sama sa iisang pasilidad. Sa kasalukuyan ay nasa 90 percent complete na ito.

Tanong sa akin ng mga taga-Visayas: “Paano naman po kami, Sec. Andanar?”
Siyempre ay hindi naman sila pababayaan ng ating pamahalaan.

Dalawang gusali ang itatayo sa dalawang ektaryang lupain na pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Manolo Fortich sa Bukidnon. Isa para sa training center and laboratory, at isa para sa dormitoryo.

Nagpapasalamat ako kay Mayor Clive Quiño sa pagpapagamit ng nasabing ari-arian sa PCOO para pagtayuan ng Government Strategic Communications Training Center ng ating pamahalaan. Nakakatuwa po na ang mga lokal na opisyal na gaya niya ay laging handang makipagbayanihan sa mga proyekto ng Duterte administration.

Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P49 milyon, at maglalaan pa ng panibagong P50 milyon para sa mga makabagong kagamitan sa komunikasyon. Sisimulan na ang pagtatayo nito sa susunod na taon.

Ang dormitoryo ay kayang mag-accommodate ng 60 trainees.

Sa makabagong media laboratory nito ay magkakaroon ng operating community communications operations training facility ang PTV, Radyo Pilipinas, Philippine News Agency, Philippine Information Agency at social media news desk sa ilalim ng PCOO.

Mayroon din itong auditorium, dalawang classrooms, meeting rooms at kantina.

Sa kabuuan, ang itatayong GSCTC ay magiging isang akademya na magsasanay sa lahat ng information officers ng local and national government para lalo silang maging epektibo sa public and media relations. Ang target date para makumpleto ito ay sa 2020.

Umaasa rin ako na sa pamamagitan ng mga media hubs na ito ay magkakaroon na ng iisang modelo at maayos na daloy ng komunikasyon ang pamahalaan.

Napansin ko kasi na bawat departamento sa national level ay iba-iba ang sistema o modelo sa media and public relations. Sa local government naman ay depende kung competent and media savvy ang kanilang opisyal.

Maganda rin ang lokasyon ng GSCTC dahil ang Bukidnon ang pinaka-gateway sa malalaking lungsod gaya ng Davao City at Cagayan de Oro City. Ang mga nagsasanay sa Mindanao Media Hub sa Davao at sa GSCTC ay puwedeng mag-tour sa kani-kanilang pasilidad.

Napakalaki na po ng impact ng teknolohiya sa ating mundo lalo na sa paghahatid ng mga balita at impormasyon. Dahil dito, sa pamamagitan ng mga media hub na itinatayo sa buong bansa, magiging handa ang ating gobyerno na magpaliwanag sa ating mga mamamayan sa iba’t ibang isyu na susulpot anumang oras.

Isang larawan ng “Duterte Legacy” sa hinaharap, bukas po ang mga media hub na ito sa ating mga kababayan na nasa linya ng komunikasyon para higit ninyong mapaunlad ang inyong craft. Sa ating mga estudyante sa pamamahayag, kayo po ang higit na makikinabang dito lalo pa at kayo ay mga “digital native” na madaling makaagapay sa mabilis na takbo ng teknolohiya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy