Una sa Balita

Gordon sisipain ng mga kabaro sa sinolong Dengvaxia report

By
0 2,052

BUKAS si Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa pagsasagawa ng caucus upang pag-usapan ng mga senador ang posibleng kapalaran ni Senador Richard Gordon bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ito ay bunsod ng reklamo at hinaing ng ilang senador sa anila’y hindi magandang pamamahala ni Gordon sa mga hearing ng nasabing komite.

Magugunitang maraming senador ang umaalma dahil nagmi­mistula silang display sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee na kadalasan ay namomonopolya ni Gordon.

Ilan sa hayagang pumuna kay Gordon ay sina Senador Panfilo Lacson at Antonio Trillanes IV kung saan itinutulak din ng huli na mapatalsik si Gordon bilang chairman.

“Siguro isang caucus tungkol dyan. Pero sa Blue Ribbon namin sa road right of way sa General Santos nakapagsalita naman kami ni Sen (Manny) Pacquiao. Siguro hindi lang namin naranasan ‘yung naranasan ng iba. Baka nagkataon lang. Baka caucus lang ‘yan para ma-thresh out yung issue,” pahayag ni Pimentel.

Gayunman, ipinaalala ni Pimentel na hindi naman hiningi ni Gordon ang chairmanship at na­niniwala ang pinuno ng Senado na ginagampanan nito ang tungkulin bilang chairman ng Se­nate Blue Ribbon Committee.