Una sa Balita

Gordon Dengvaxia report ibabasura ng ibang senador

By
0 2,491

HINDI palulusutin ng Senate minority bloc ang report ni Senador Richard Gordon hinggil sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa Dengvaxia scandal.

Ayon kay Senador Antonio Trillanes IV, hindi makakapasa sa Senado ang report ni Gordon at hindi rin niya didikdikin ito kapag inisponsoran na ito sa plenary.

“Sinisigurado ko sa iyo na hindi niya maipapasa ‘yan, ‘di ‘yan ma-adapt kagaya ng report niya sa extrajudicial killing hearings, hindi ‘yun na-adapt,” ayon kay Senador Antonio Trillanes IV.

Samantala, batay sa impormasyong nakalap ng Abante posibleng maglabas ng hiwalay na report ang grupo ng minorya hinggil sa Dengvaxia scandal na mas papaboran umano ng nakararaming senador kumpara sa report na inilabas ni Gordon na siyang chairman ng Blue Ribbon Committee.

Ayon sa source, pangontra ito sa mga rekomendasyon ni Gordon partikular ang pagsasampa ng kasong graft laban kina da­ting Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino II, da­ting Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad at dating Health Secretary Janette Garin.

“That thing will not stand the scrutiny of the senators,” komento pa ni Trillanes sa report ni Gordon.

“Kung makapagpapirma siya ng majority, problemahin niya muna ‘yun. Saka pa lang siya mag-sponsor, hindi ‘yan makakalusot, hahanapan ko siya ng conclusion na ‘yung Dengvaxia ang dahilan ng kamatayan, dahil du’n din tayo pupunta kung wala kang scientific findings, eh ‘di wala rin,” dagdag pa ni Trillanes.

Sa panig naman ni Senador Migz Zubiri, nangako rin ito na magsusumite siya ng pag-amyenda sa report at isasalang din sa matinding interpelas­yon si Gordon hinggil sa konklusyon nito.