Una sa Balita

Gordon, Cayetano pinasisibak!

By
0 4,056

DALAWANG opisyal ng gobyerno na parehong nahaharap sa kontro­bersya ang pinasisibak sa puwesto.

Bukas si Senate Pre­sident Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa pagsasagawa ng caucus upang pag-usapan ng mga senador ang posibleng kapalaran ni Senador Richard Gordon bilang chairman ng Blue Ribbon Committee.

Bunsod ito ng reklamo at hinaing ng ilang senador sa anila’y hindi magandang pamamahala ni Gordon sa mga hearing ng nasabing komite.

Magugunitang maraming senador ang umaalma dahil nagmi­mistula silang display sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee na kadalasan ay namomonopolya ni Gordon.

Ilan sa hayagang pumuna kay Gordon ay sina Senador Panfilo Lacson at Antonio Trillanes IV kung saan itinutulak din ng huli na mapatalsik si Gordon bilang chairman.

“Siguro isang caucus tungkol d’yan. Pero sa Blue Ribbon namin sa road right of way sa General Santos nakapagsalita naman kami ni Sen. (Manny) Pacquiao. Siguro hindi lang namin naranasan ‘yung naranasan ng iba. Baka nagkataon lang. Baka caucus lang ‘yan para ma-thresh out ‘yung issue,” pahayag ni Pimentel.

Samantala, hindi kuntento ang ilang mambabatas sa paghingi lamang ng paumanhin ni Department of Fo­reign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Ca­yetano sa sumablay na pabida sa pag-rescue ng Philippine Embassy sa Kuwait ng mga overseas Filipino worker.

“SFA (Secretary of Foreign Affairs) Caye­tano’s apology was not the proper response as it diminished the value of OFW lives in peril,” pahayag ni Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin.

May payo rin si Villarin kung ano ang mas karapat-dapat na ginawang hakbang ng Kalihim.

“Cayetano should have invoked international humanitarian and human rights conventions on migrant labor rights why the rescue was appropriate and take responsibility with head held high,” ani Villarin.

Dahil dito, iginiit ni Villarin na wala ng iba pang dapat sisihin sa nangyaring kapalpakan kundi si Cayetano.

Ipinaalala naman ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa mga opisyal ng DFA na kung seryoso ang bansa sa paggigiit ng ating soberanya, ay parehong paninindigan din ang ginagawa ng pamahalaan ng ibang bansa.

“Kung tayo dito sa Pilipinas very serious tayo about sovereignty ganu’n din sa ibang bansa, siguro sa mata ng Kuwaiti authorities, we were enforcing our laws in Kuwait. So kung lumagpas tayo, tama lang na mag-apologize tayo, let us be conscious din,” sabi ni Pimentel.

Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Ca­yetano ay galit pa rin ang mga mamamayan ng Kuwait sa ginawa ng Philippine Embassy at may mga naglunsad umano ng kilos protesta sa harap ng embahada sa Kuwait.

Maging ang mga Kuwaiti diplomat at mga miyembro ng Kuwaiti parliament ay nagalit umano sa viral video nang pag-rescue sa mga OFW dahil pinagmukhang halimbawa ang ilan sa mga employer na pinagkunan ng mga distressed OFW.
Bukod kay Cayetano, iginiit ng ilang grupo na isama rin sibakin ang DFA consultant/blogger na si RJ Nieto alyas ‘Thinking Pinoy’ at si Philippine Ambassador to Kuwait Rene Villa.