Una sa Balita

#GoodbyeGutom babandera sa ikalawang bahagi ng termino ng Pangulo

0 374

Ngayong malaki na ang nagawa ng administrasyon sa kalagayang pangkatiwasayan at ekonomiya ng bansa, pipihit ang prayo­ridad ng pangasiwaan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyan ng laman at ngipin ang direktiba ng Punong Ehekutibo na wakasan ang gutom at kahirapan sa bansa.

Nakabandera ang #GoodbyeGutom sa binabalangkas ngayong Expanded Partnership Against Hunger and Poverty o EPAHP na kapapalooban ng mas maraming mga departamento at ahensya ng gobyerno at tutuwang dito ang mga pribadong organisasyon, kompan­ya at mga kor­porasyong pinansyal na pagmamay-ari at pinapatakbo ng pamahalaan.

Hindi alintana sa pamahalaan ang mga datos at pigurang may mala­king kinalaman sa kahirapan at gutom na siyang nagbunsod sa Pangulo na tugunan, hindi pansamantala, ngunit tuluyan ang gutom sa hanay ng ating mga naghihikahos na kababayan.

Ayon sa June 2019 survey ng SWS, 35% ng mga pamilyang Pilipino ay itinuturing ang kanilang mga sarili bilang ‘food poor’ o nahihirapan sa pagkain. Ito ay mas mataas ng 8 percentage points mula sa naitalang ‘record low’ na 27% noong Marso 2019.

Bagama’t nararamdaman na ang epekto ng mga programa upang ibsan ang pananalasa ng gutom sa buong bansa, pinagtitibay ng pinakahuling mga datos na ito na kailangan na­ting paigtingin pa nang husto ang kasalukuyan na­ting ginagawa dito sa ikalawang bahagi ng pa­ngasiwaan ni Pangulong Duterte.

Bago pa man lumabas ang resulta ng nasabing survey, batid ng mga miyembro ng gabinete ang kanyang malasakit nang ibaba nito ang direktiba na pag-isahin ang iba’t ibang mga inisyatibo laban sa kagutuman at kahirapan ng mga ahensya ng gobyerno upang mas maging epektibo at iahon ang maraming Pilipino, lalo na ang mga bata, sa problemang ito.

Sa ulat ng Human Development and Po­verty Reduction Cluster sa Pre-SONA forum sa Cebu noong ika-10 ng Hulyo, mula 2018 hanggang 2019 ay nabigyan natin ng pagkain ang 3.6 milyong mga bata sa mga feeding program ng gobyerno. Sa school year 2018-2019, 2.1 milyong mga batang ‘undernou­rished’ ang napakain sa mga paaralan. Dagdag pa rito ang 4.29 milyong mga bata na nabigyan ng ‘cash subsidies’ para sa pagkain mula sa prog­ramang 4Ps.

Milyon-milyong mga musmos na ang ating naiangat mula sa problemang ito sa paraan ng ating mga feeding program ngunit marami pa rin tayong dapat abutin sa kanilang hanay. Marami pa tayong dapat gawin upang tiyakin na bawat isang batang Pilipino ay sapat ang tamang pagkain hanggang masabi natin ang #GoodbyeGutom.

Upang lalo pang paigtingin ang galaw ng gobyerno laban sa kagutuman, papasok na ang pakikipagtuwang ng maraming mga departamento maliban sa kasalukuyang Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform at Department of Social Welfare and Development, at tatawagin na natin itong Expanded PAHP.

Ang mga bubuo sa bagong Expanded PAHP ay kabibilangan ng Department of Education, Deparment of Health, Department of the Interior and Local Government, Department of Science and Techno­logy, National Nutrition Council, National Youth Commission at Landbank of the Philippines.

Gagamitin natin dito sa pinalawak na pagtugon sa kagutuman ang ‘whole-of-government approach’ na ating napakinabangan sa iba pang mga epektibong inisyatibo ng pamahalaan. Ito ang kakatawan sa tapang at malasakit ng Pangulo na siyang tumatayo sa kanyang pagkalinga sa mga napag-iiwanan nating mga kababayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy