Una sa Balita

Good news: HIV & AIDS policy law, naisabatas na!

0 715

Isang napakagandang balita para sa pagsapit ng bagong taon: isa nang ganap na batas ang Republic Act 11166 o mas kilala bilang ‘Phili­ppine HIV (human immunodeficiency virus syndrome) and AIDS (acquired immune deficiency syndrome) Policy Act.’

Bilang pangunahing may-akda at co-sponsor ng batas na ito, ako ay nagagalak dahil sa wakas ay mayroon na tayo ngayong isang modernong polisiya na pipigil sa patuloy na pagtaas ng insidente ng HIV at AIDS sa Pilipinas.

Nito lamang Setyembre ng nakaraang taon, 954 na kaso na ng HIV ang naitala ng pamahalaan at karamihan dito ay kabataan ang biktima.

Ang Philippine HIV and AIDS Policy Law ay isang human rights-based approach sa pagtalakay at pagresolba ng mga kaso ng HIV at AIDS sa ating bansa.
Inabot tayo ng humigit-kumulang sampung taon bago nakapagpasa ng panibagong batas upang magkaroon ng komprehensibong polisiya para sa HIV-AIDS sa bansa. Hindi naging madali ang ating tinahak na landas para maratipika ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso at mapirmahan ng Palasyo. Tayo ay lubos na nagpapasalamat sa mga kasama nating mga advocate mula sa iba’t ibang organisasyon na tumutulak sa adbokasiya patungkol sa HIV at AIDS. Gayundin sa mga kasama nating mga mambabatas sa Senado at House of Representatives para maisulong ang batas na ito. 

Ang Philippine HIV and AIDS Policy Law ay nagbibigay ng pag-asa para sa kinabukasan ng mga susunod pang mga henerasyon. Bilang nag-iisang bansa sa Southeast Asia na patuloy na pataas ang kaso ng nabibiktima ng sakit na ito, ang bagong batas ay magbibigay sa kabataang Pilipino ng tama at modernong impormasyon, kasama na ang pagpapahalaga sa kalusugan, at ito ang tinatayang magpoprotekta sa kanila laban sa pagkakaroon nito.

Sinusulong ng batas­ na ito ang pagbibigay ng tinatawag na ‘multi-sectoral approach’ sa pagresponde sa epidemiya ng HIV sa bansa. Sisiguraduhin na ang mga lokal na komunidad, mga civil society organizations (CSOs) at ang mga biktima ng HIV ang nasa gitna ng prosesong ito.

Hindi lamang sisi­guraduhin na magkakaroon ng access sa mga gamot ang mga taong may HIV, kung hindi magkakaroon din ng nararapat na meka­nismo sa usapin ng diagnosis at treatment pati na sa counseling.

Ang batas na ito ang magbabago ng pagsagwan ng Pilipinas laban sa rumaragasang insidente ng HIV at AIDS sa bansa. Sa pamamagitan ng batas na ito, may armas ang ating pinagsama-samang ahensiya ng pamahalaan upang mapigil ang pagtaas ng insidente ng HIV at AIDS sa Pilipinas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy