Una sa Balita

Gonzales TKO kay Ancajas

0 480

BINUGBOG ni Jerwin Ancajas si Miguel Gonzalez­ sa round six Sabado ng gabi sa Auditorio GNP Seguros sa Puebla, Mexico para matagumpay na maidepensa ang kanyang International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight belt.

Angat sa 31-1-2, 22KOs ang kartada ni Ancajas, na panalo sa walong beses na pagdepensa ng kanyang korona.

Huling sumabak ang kaliweteng si Ancajas noong Mayo sa Stockton, California nang i-knock out si Ryuichi Funai ng Japan sa sixth round.

Bago ito, nanggaling si Ancajas sa split-decision draw kay Alejandro Santiago noong Setyembre 2018.

Panalo si Gonzalez sa kanyang huling dalawang laban bago ang bakbakan kay Ancajas.

Pagtunog pa lang ng opening bell ay sumugod na agad at agresibo na si Ancajas, panay ang patama sa katawan at sa ulo.

Nakipagsabayan pa si Gonzalez pero pagsapit ng ikaapat na round ay dumidepensa na lang ito at hindi na kayang makipagsabayan sa Pinoy champ.

Pinulbos na ni Ancajas si Gonzales sa round six sa pamamagitan ng mga hook at solid punch sa mukha at katawan kaya itinigil na ni Wayne Hedgpeth ang laban sa natitirang 1:53. (Ferdz Delos Santos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More