Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Gold buyer dedo sa seller na holdaper

0 108

Patay ang buyer umano ng mga gold bar matapos itong paputukan ng isa sa tatlong holdaper na nagpanggap na seller sa kanilang meet-up sa Tagkawayan, Quezon noong Miyerkoles.

Sa ulat ng pulisya, binawian ng buhay ang biktimang si Rolando Caiga, senior citizen, residente ng Brgy. Barcenaga, sa Naujan, Oriental Mindoro habang inililipat sa ospital sa Naga City dahil sa tinamong tama sa katawan.

Ayon kay P/SSg. Ronaldo Dionido ng Tagkawayan Police, dumating ang biktima kasama ang kanyang misis at pamangking babae para tingnan ang inaalok na mga bara ng ginto ng mga suspek sa Brgy. San Vicente sa Tagkawayan, Quezon bandang alas-10:20 ng umaga.

May dala umano ang biktima na mahigit P1 milyon para ipambayad sa bara ng ginto pero umalis ito nang walang maipakitang ginto ang mga suspek.

Nakasakay na ang grupo ng mga biktima sa kanilang service na Toyota Fortuner nang lumapit ang mga suspek, isa ang nagbunot ng baril at pilit na ipinapalabas ang pera. Puwersahan ding inagaw ng mga suspek ang bag ng asawa nito na naglalaman ng mahigit P10,000 at saka pinaputukan ang biktima na nasa driver seat.

Hindi natangay ng mga suspek ang pambayad sana sa ginto na nakalagay sa isang bag.

Samantala, naglakad lang umano ang mga suspek patungo sa magubat na bahagi ng lugar pagkatapos ng krimen. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.