Una sa Balita

Gokongwei, Gotianun nakuha ang kontrata sa Clark airport

0 472

NAKUHA ng grupo ng mga bilyonaryong Gokong­wei at Gotianun ang kontrata para sa operation and maintenance ng Clark International Airport sa Pampanga.

Sabi ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ang North Luzon Airport Consortium (NLAC) na binubuo ng JG Summit Holdings Inc. ng mga Gokongwei, Filinvest Development Corporation ng mga Gotianun, Philippine Airport Ground Support Solutions Inc. at Changi Airports International Pte. Ltd. ng Singapore ang magpapatakbo ng Clark International Airport sa loob ng 25 taon.

Ang mga Gokongwei rin ang may-ari ng Cebu Pacific.

Ayon sa BCDA, papartehan ng NLAC ang pamahalaan ng 18.25% ng annual gross revenue o lahat ng kinikita sa airport taon-taon.

Sabi ng BCDA, higit ito kaysa sa 10% na minimum na itinakda ng National Economic and Deve­lopment Authority (NEDA) Board.

Kinumpirma na umano ng NEDA Investmen­t Coordination Committee ang pag-award ng kontrata para sa operation and maintenance ng Clark International Airport sa NLAC noong huling pagpupulong nito para sa taon.

Bukod sa operation and maintenance ng kasalukuyan at bagong terminal ng Clark International Airport, ang NLAC din ang magpapatakbo ng mga commercial asset at mga pasilidad ng nasabing paliparan.

Nais ng NLAC na gamitin ang Clark International Airport para bigyan ng bago at magandang imahe ang nasabing paliparan sa tulong ng Changi Airport. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy