Una sa Balita

Gokongwei binaboy ang Bais Bay

By
0 10,863

Iniimbestigahan ngayon ng pamahalaang lokal ng Bais City, Negros Oriental gayundin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang diumano’y “intentional” o sinadyang pagtatapon sa Bais Bay ng toxic waste ng ethanol plant ng Universal Robina Corporation (URC) na pag-aari ng pamilya Gokongwei.

Inihayag ni Bais City legal officer Lloyd Joseph Elmaco nitong Martes na nakipag-ugnayan na ang URC legal counsel na si Laurinda Rogera kasama ang operations manager na si Arnel Palma kay Bais City Mayor Mercy Goñi para magbigay ng update sa itinapong dumi ng kanilang planta.

Binanggit ni Ro­gera na nangyari ang insidente noong Marso 4 ngayong taon pero tiniyak ng kompanya na nakontrol na umano nila ang pagkalat ng dumi at walang namatay na isda o insidente ng fish kill sa Bais Bay dahil sa pangyayari.

Sa kabila nito ay nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pamahalaang lokal.

“An investigation is being conducted to know the identity/identities of the person/persons responsible,” pahayag ni Elmaco sa Philippine News Agency.

Tiniyak ni Elmaco na ang pamahalaang lokal ng Bais City, sa inisyatiba ng City Legal Office, ay ipinag-utos na ang masusing pagbabantay sa lawa na nasa paligid ng ethanol plant ng URC para matukoy kung gaano kalawak ang pinsalang idinulot ng pagtatapon nito ng toxic waste.

Kumuha na rin ng water samples mula sa Bais Bay ang isang grupo mula sa Environment and Natural Resources Office ng Bais City para isailalim sa laboratory testing, ayon kay Elmaco.

Napag-alaman din na kahapon ay ilang tauhan ng Environmental Management Bureau sa probinsya ang nagtungo sa Bais City para kumuha rin ng water sampling.