Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Gobyerno sa mga binagyo: ‘Tulong darating, konting tiis lang’

0 210

Hindi man tuluyang said, kakaunti na lang umano ang natitirang pera ng pamahalaan para ipamahagi sa mga biktima ng bagyong ‘Odette’ sa Visayas at Mindanao.

Sa idinaos na situation briefing sa bagyong ‘Odette’ sa Maasin, Southern Leyte, sinabi ni Pangulong Duterte na halos ubos na ang pondo ng pamahalaan dahil ang malaking bulto nito ay ginastos sa paglaban sa COVID-19 simula ng tumaas ang mga kaso nito sa bansa noong nakaraang taon hanggang sa paglulunsad ng vaccination program para sa paglaban dito noong Marso.

“There’s hardly no spending limit. But we didn’t expect that this would happen now,” anang pangulo.

Maaari umanong magtagal ang pagdating ng tulong pero ang mahalaga ay tiyak itong matatanggap ng mga biktima.

Aniya, patatapyasan niya ang budget ng lahat ng pinaglaanang programa ng pamahalaan, partikular ang mga hindi pa nagagamit pati na rin ang pondo sa mga sablay na proyekto.

Gagamitin din aniya nila ang savings ng gobyerno upang makalikom ng P2 bilyon para ipamahagi sa mga lugar na binayo ng bagyo.

Umapela naman ang Pangulo sa mga biktima ng bagyo ng konting tiis pa dahil kailangan ng sapat na oras para maipalabas ng Department of Budget and Management ang pondo. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.