Una sa Balita

Gobyerno kilos na sa epekto ng TRAIN

By
0 2,153

Sa ngayon ay halos lahat ng mga negosyant­e ay nagsisipormahan na upang iamba ang pagtataas sa presyo ng kanilang produkto o paninda kaugnay ng ating batas sa pagbubuwis o Tax Reform for Acceleration & Inclusion (TRAIN).

Ang Manila Electric Company (MERALCO) ay nagsabing magtataas ito ng tinatayang 8 sentimo kada kilowatt hour.

Ang mga pampa­saherong jeepney, taxi at Grab ay nagpasabi na rin ng pagtataas sa ­singil sa pamasahe.

Mas makakabu­ting gawin ng gobyerno ay ito na mismo ang maglabas ng computation kung magkano lang dapat itaas sa presyo ng mga bilihin at pamasahe.

Dito kasi ay agad malalaman kung reasonable at akma ang epekto ng TRAIN act sa mga bilihin at serbisyo.

Maiiwasan pa dito ang pagsasamantala sa publiko kung ang gobyerno na agad ang mauunang maglatag ng pamantyan.

Hindi naman maituturing na price control ito subalit naglalayon lang na matiyak na walang pagmamalabis.

Kung hindi agad kikilos ang gobyerno ay baka maabuso ang publiko at magalit ang mamamayan sa epek­to ng bagong pataw na buwis.

Ayon nga sa pa­ngako ng Malacañang ay lubos na makikinabang dito ang taumbayan sa panibagong pataw na buwis upang mapondohan ang mga mahahalagang proyektong pang impraestruktura na magbibigay ng ginhawa sa publiko.

Sana nga ay mas malaking pakinabang ang publiko sa bagong pataw na buwis at hindi magsilbing dagdag pasanin ng taumbayan­ sa gitna ng kahirapan ngayon.

Huwag naman sanang mailihis ang pondo na makokolekta sa pagpapairal ng bagong buwis sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at tiyakin na lahat ng pangakong proyekto­ ay maipatutupad at matatapos sa lalong madaling panahon dahil ito ay magsisilbing gabay sa pag-unlad ng ekonomiya ng ­Pilipinas.