Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

GO for cloth mask

0 576

Nagkalat sa baybayin ng Barangay Muzon sa Rosario, Cavite at sa Baseco Beach sa Port Area, Maynila ang mga gamit nang surgical masks at mga bote ng alcohol.

Tiyak na dadagdag ito sa inaanod na tone-toneladang basura sa dalampasigan tuwing panahon ng tag-ulan. Ang resulta – pagbaha sa maraming kalsada kabilang ang mga pangunahing lansangan.

Ito ang dahilan kaya ipinapayo ng environmental group na EcoWaste Coalition ang paggamit ng reusable face mask o ‘yung mask na yari sa tela na puwedeng gamitin uli matapos i-disinfect.

Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, very concerning ang isyu lalo pa’t ang face mask na po-protekta sana sa atin laban sa COVID-19 ay siya namang sisira sa aquatic life. Hindi raw malayong makain ng mga marine animal ang gamit nang face masks, mabulunan at baka masakal pa sila na posibleng maging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Paglilinaw ng grupo, hindi naman daw masamang magsuot ng cloth o reusable face mask. Partikular na tinukoy ng EcoWaste ang video advertisement ng World Health Organization na nagtuturo kung anong face mask ang dapat na isuot ng iba’t ibang tao.

Ang medical o surgical mask, mas appropriate daw gamitin ng mga frontliner, ng mga may sintomas ng COVID-19, at ng mga nag-aalaga ng suspected COVID-19 positive pati na siyempre ng mga nagpositibo mismo sa virus.

Kung wala ka namang sintomas o di kaya’y malayo sa nagpositibo sa virus, puwede nang gumamit ng cloth mask. Kailangan lang masigurong madidisinfect ito bago muling gamitin.

Sabi ng health experts, nawawala ang virus sa tubig at sabon. Kaya nga paulit-ulit ang payo nila sa publiko na ugaliing maghugas ng mga kamay. Importanteng sabunin ang cloth mask, ibilad sa araw para matuyo saka muling gamitin.

Payo rin ng mga doktor, hanggang apat na oras lang puwedeng gamitin ang face mask – surgical man o reusable. Huwag daw hayaang buong araw na hindi nagpapalit ng suot na face mask.

Ang sa akin lang, dapat maging responsable tayo sa isinusuot na face mask. Kung surgical mask ang suot, huwag itong basta itapon kung saan-saan lalo na sa mga dalampasigan. Importanteng mailagay ito sa tamang disposal bin para hindi na kumalat pa ang virus.

Pero uulitin ko, kung wala namang COVID-related symptoms, puwede namang magsuot na lang ng cloth mask para maiwasan din ang single-use face mask. Makakabawas pa ito sa basura ng bansa.

Samantala, may ginagawa nang hakbang ang DENR sa ilalim ng attached agencies nitong EMB o Environmental Management Bureau at BMB o Biodiversity Management Bureau kaugnay sa panawagan ng EcoWaste na magkaroon ng konkretong plano para mabawasan kundi man tuluyang matigil ang pagkalat ng coronavirus plastic waste sa karagatan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.