Una sa Balita

Go Damaso

0 729

Naging kliyente ko ang cultural activist na si Carlos Celdran. Kapatid niya ang napangasawa ng kapatid ng matalik kong kaibigan nu’ng grade school.

Noong idemanda siya ng archdiocese ng Maynila dahil sa pagdadala niya ng placard na ‘Damaso’ habang may nagaganap na misa para sa mga obispo sa Manila Cathedral, ako ang una niyang kinunsulta.

Hindi pangkaraniwan ang payo na ibinigay ko sa kanya. Sinabi ko na dalawang hakbang ang dapat gawin. Una, dapat suriin ang konstitusyunalidad ng paglabag na iniuugnay sa ginawa niya; at pangalawa, dapat iapila ang kala­yaan sa pagpapahayag, na mas pinahahalagahan kaysa sa iba pang mga karapatan, kasunod ng pagpapahalaga sa karapatan sa buhay.

Sa kasamaang palad, (para sa kanya), pina­kinggan niya sa halip, ang payo ng isa pang abogado na piniling hamunin ang mga tunay na pangyayari. Hindi ko siya kinatawan sa panahon ng paglilitis sa Metropolitan Trial Court. Tulad ng hula ko, siya ay napatunayang nagkasala nang itinaas niya ang placard na ‘Damaso’.

Malinaw na ang ligal na estrahehiyang ginamit ng abogado niya na hamunin ang paratang ng archdiocese ng Maynila, batay sa tunay na nangyari, ang siya mismong na­ging batayan ng hatol na nagkasala siya.

Ang hindi alam ng mga tao ay nagpunta si Carlos sa Spain para humingi ng pampolitikang asylum. Ayon sa 1951 Refugee Convention, ang isang tao na inuusig dahil sa paggamit niya ng pangunahing karapatan tulad ng kalayaan niya na magpahayag ay biktima ng pampolitikang pag-uusig. Dahil dito, siya ay kuwa­lipikado para sa asylum.

Bakit ako naniniwala na ang batas ay maaaring ideklara na may pagkakasala sa Konstitusyon? Bueno, ang partikular na krimen na ‘Ofensa a los sentimientos religiosos’ (‘offen­ding religious feelings’) ay isang krimen na kinop­ya natin ng verbatim mula sa Spanish Criminal Code. Hindi hiwalay and Simbahan at estado sa Spain kaya itinuring nila na ang anumang gawain na umaatake o nakakasakit sa paniniwala ng Simbahan ay makakasakit o atake rin sa estado.

Dahil ito ay kinopya nga sa isang sinaunang parusang kriminal, pinalitan ito ng modernong batas ng karapatang pantao tulad ng isinasaad sa International Covenant on Civil and Political Rights. Ang totoo, nagsimula lang umiral at kilalanin ang kalayaang magpahayag noong ito ay pinagtibay ng international community kahit ito ay pinasimulan nang ipatupad sa England, France, at US.

Saan nag-uugat ang ‘irreconcilable conflict’ sa pagitan ng isang batas na nagpaparusa ng pagkabilanggo bunga ng hinala na ofensa sa damdaming relihiyon at kalayaan sa pagpapaha­yag? Ito ay nakasalalay mismo sa katangian at kahulugan ng kalayaan na magpahayag. Ayon sa batas dito sa Pilipinas, sa US at sa iba pang malalayang bansa sa mundo, katalinuhan ang katangiang ipinagkaiba natin sa mga hayop.

Taglay ang katalinuhan na ito, ang mga tao ay may kakayahan na alamin kung ano ang totoo at magkaroon ng sariling paninindigan sa mga isyu. Kaugnay nito, ang kanilang indibidwal na opinyon kapag nagkakapare-pareho ay nagiging opinyong publiko. Ang huli ay kinikilala ngayon na importante sa pagtataguyod ng mga responsibilidad ng mga opisyal ng estado at importante rin sa paghahanap ng mga solusyon sa ating problema sa sibilisasyon.

Sa palagay ng mga korte sa buong mundo, ang anumang pagsupil sa karapatang magpahayag ay nagpapakita ng kahinaan ng Konstitusyon o ng estado.

Obligasyon ng estado na ipakita ang wastong pagpapatupad ng batas na karaniwan ay ang paggamit ng pulisya. Ngunit dapat ay batay ito sa paniniwala na ang hindi pagpigil sa mga tao na gamitin ang kanilang kalayaang magpahayag ay magreresulta ng pa­nganib. Dapat ay malinaw rin na may responsibilidad ang estado na huwag pahintulutan ang paglabag.

(Sundan sa pahina 9)

Go…

Walang duda, ang probisyon sa Konstitusyon na hindi pwedeng isabatas ang anumang panukala na susupil sa kalayaan magpahayag ay nilabag ng “penal state” noong pagbawalan ang mga tao na salingin, saktan, kutyaiin, at magkaron ng opinyon tungkol sa relihiyon at simbahan.

Sa isang kaso ng Iglesia ni Cristo at Katoliko, ipinasya ng Korte Suprema na ang solusyon sa pagsasalungat ng mga paniniwala ng mga relihiyon ay hindi ang paghihigpit sa isa man sa kanila kundi ang pagbibigay ng espasyo sa pagpaparami ng pananampalataya.

Ang pagpanaw ni Carlos Celdran sa murang edad ay may kabuluhan. Nagiwan siya ng magandang halimbawa ng matibay at matapang na paninindigan sa karapatang magpahayag na sana ay tularan natin.

Tayo na! Gumawa tayo at magdala ng placards na “Damaso” para ipahiwatig, ipahatid, at ibunyag ang saloobin natin tungkol sa relihiyon at simbahan. Go Damaso!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy