Una sa Balita

GMs Antonio, Gomez durog; Bersamina, Pascua pumalag

By
0 249

SINALBA nina IMs Paulo Bersamina at Haridas Pascua ang kampanya ng Pilipinas sa round 1 matapos sumilo ng puntos sa simula ng 17th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) Lunes ng gabi sa Tiara Oriental Hotel sa Makati.

Humablot ng isang puntos si 35 seed Bersamina (Elo 2444) matapos ang malaking upset win laban kay third seed at super GM Le Quang Liem ng Vietnam sa 36 moves ng Giuco Piano Opening.

Pumitas naman ng kalahating puntos si 25-year-old Pascua matapos makipag-draw kay fourth pick GM Santosh Gujrathi Vidit ng India sa 36 sulungan ng Gruenfeld Defense.

Sa 20 Pinoy woodpushers na kasali sa event na may basbas ni National Chess Federation of the Philippines president Butch Pichay at suportado nina Philippine Sports Commission chairman Willian “Butch” Ramirez at Sen. Manny Pacquiao ay sila Bersamina at Pascua lang ang nakaligtas sa mga dambuhalang dayuhang GMs.

Durog si GM John Paul Gomez kay No. 2 seed Wei Yi (Elo 2728) ng China habang yumuko si GM Darwin Laylo kay super GM B. Adhiban (Elo 2695) ng India.

Pisak naman sina IM Oliver Dimakiling at many-time national champion GM Joey Antonio kina GMs Ni Hua (Elo 2683) ng China at S.P. Sethuraman (Elo 2664) ng India ayon sa pagkakasunod.

Muling makikilatis sina Bersamina at Pascua sa round 2.

Makakalaban ni Bersamina si GM Abdusattorov Nodirbek (Elo 2546) ng Uzbekistan habang katapat ni Pascua si IM Priasmoro Novendra (Elo 2483) ng Indonesia.

Samantala, nauwi sa draw ang laban ni first Filipina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna laban kay Sivanesa Nithyalakshmi ng Malaysia sa women’s side.

Makakalaban ni Fray­na sa round 2 si WIM P.V. Nandhidhaa ng India.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy