Una sa Balita

GMRC, Values Education malapit nang maisabatas

0 591

Sa wakas, malapit nang maibalik ang pormal na pagtuturo ng Good Moral and Right Conduct (GMRC) at Values Education sa mga paaralan. Isang hakbang na lamang ang ating hinihintay—ang pagpirma ng Pangulo—upang ito ay maging isa nang ganap na batas. Mahalaga ang GMRC at Values Education sa paghubog natin ng mga susunod na henerasyon. Mula kasi noong maimplementa ang K to 12 curriculum noong 2013, tinanggal na ang pagtuturo ng GMRC sa mga paaralan.

Sa bicameral conference committee na pinamunuan ng inyong lingkod sa hanay ng Senado, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture at sponsor ng Senate Bill No. 1224, napagkasunduan ng Senado at ng Kamara na papalitan ng GMRC at Values Education ang kasalukuyang paksa na Edukasyon sa Pagpapa­katao (ESP).

Ituturo ang GMRC mula Grade 1 hanggang Grade 6 at isasama rin ang kindergarten sa mga aktibidad ng mga mag-aaral. Ang Values Education naman ay ituturo sa Grade 7 hanggang Grade 10. Kabilang din ang nasabing subject sa pag-aaral ng mga estudyante ng Grade 11 at Grade 12.

Sa pagpasa ng naturang panukala, hindi lamang natin ibabalik ang mga subject na ito, kundi mapupunan din natin ang mga naging pagkukulang sa loob ng mahabang panahon dahil hindi naprayoridad ang GMRC at Values Education sa mga paaralan.

Ang kagandahan nito ay magsisilbi nang isang regular subject ang GMRC at Values Education. Ibig sabihin, kahalintulad na nito ang alokasyon ng oras sa pagtuturo ng Math, ­Science, English at iba pang mga pangunahing paksa.

Sa ilalim ng kasalukuyang kurikulum, 30 minuto lamang kada araw ang nilalaan sa pagtuturo ng ESP habang dalawang oras kada linggo lamang ito itinuturo sa high school.

Ang mandato ng naturang panukala ay magsagawa ng mga aktibidad na huhubog sa karakter ng mga mag-aaral—tulad ng dula-dulaan sa klase, pakikipagkapwa-tao, pagtutulungan ng mga magulang at mga guro at iba pang kahalintulad na magandang asal.

Bukod dito, malulutas na rin ang suliranin sa ‘mismatch’ ng mga guro at kapasidad nilang magturo ng kanilang field of expertise. Lumalabas kasi sa datos na 70 hanggang 90 porsiyento ng mga nagtuturo ng Values Education ay hindi sertipikadong magturo nito.

Kaya upang masiguro na naituturo nang wasto at naaayon sa mga paksa, hangad ng panukalang batas na hawakan ito ng mga gurong may sertipikasyon, diploma at mga pormal na pagsasanay kaugnay sa values education.

Napakahalaga po ng GMRC at Values Education sa buhay ng bawat bata. Kung araw-araw na natuturuan ang mga bata sa paaralan ng GMRC at Values Education, bibitbitin nila ang mga ito sa pang araw-araw nilang pamumuhay, maging hanggang sa bahay.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More