Una sa Balita

GM Gonzales matalas, tinaktak si Foreest

By
0 175

BUMABALIK ang da­ting asim ni Grandmaster Jayson Gonzales matapos ilampaso ang second seed na si GM Jorden Van Foreest ng Netherlands upang sumalo sa second place matapos ang seventh round ng 22nd Hogeschool Zeeland chess tournament sa Vlissingen, Netherlands, Huwebes nang gabi.

Ilang taon din huminto sa paglaro sa mga tournament ang dating pambato ng Far Eastern University chess team dahil naging abala noon si 49-year-old Gonzales bilang National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive ­director.

Sa kanyang panalo, ipinakita ni Gonzales na kaya pa nitong pumisak ng mga tigasing GM, umabot sa 40 moves ng English opening ang banatan nila ni Foreest.

Nakalikom si Gonzales ng anim na puntos, habang solo sa unahan si top seed GM Sandro Mareco ng Argentina.

Pinagpag ni Mareco si Chinese GM Wang Yungu upang ilista ang 6.5 points papasok sa huling dalawang rounds.

Pinisak naman ni WGM Janelle Mae Frayna si Dutch International Master Merijn Van Delft sa 30 moves ng isa pang English duel upang makapasok sa top 10 bitbit ang 5.5 points.

Ang kampanya ni 22-year-old Frayna na suportado ng Philippine Sports Commission at ni Philippine STAR president at chief executive officer Miguel Belmonte ay bilang paghahanda sa nalalapit na Chess Olympiad.