Una sa Balita

GLORIA SA SK: HANGGANG BASKETBALL COURT LANG KAYO!

By
0 8

Walang alam ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) kung hindi magtayo lang ng basketball court.

Ito ang alegasyon ni House Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa press briefing kahapon sa Kamara kaya sinusuportahan nito ang pagbuwag sa SK na itinutulak ng administrasyon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

“Moreover, SK pro­jects are mainly confined to building basketball courts,” ani Arroyo at maagang namumulat ang mga ito sa dirty politics dahil kapag tumakbo ang mga ito ay binubuhusan ng kanilang mga magulang ng pera para manalo.

“Instead of training them to become leaders, we train them on how to play dirty politics,” ani Arroyo kaya pabor ito na buwagin na lamang ang SK at gamitin na lang ang pera sa ibang bagay na mapakikinabangan ng taumbayan.

Sinabi ng dating Pa­ngulo na makakatipid ang gobyerno ng P8.5 bil­yon kada taon kapag tuluyan nang mabubuwag ang SK at tataas ito ng P24 bilyon kapag kasama ang mga barangay kagawad sa i-aabolish.

Samantala, magsasagawa ngayong araw ng pagdinig ang House Committee on Suffrage and Electo­ral Reform na pinamumunuan ni CIBAC party-list Rep. Sherwin Tugna sa panukalang ipagpa­liban ang SK at Barangay election.

Kahapon dapat isasagawa ang pagdinig subalit sinabi ni Tugna na hinintay muna nila ang Senate version na ipapasa sa ikalawang pagbasa dahil ito ang tatalaka­yin at ipapasa nila sa Kamara.