Una sa Balita

‘Giyera’ sa bahay: Mag-asawa, anak sugatan

0 317

NAGTAMO ng sugat ang isang sundalo, asawa at anak nito nang sumabog ang isang granada makaraang magkaroon ng pagta­talo sa kanilang bahay sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City kahapon ng umaga.

Ginagamot sa V. Luna Hospital ang asawa at 11-anyos na anak ni Staff Sgt. Larry De Guzman, nakatalaga sa Home Affairs Office ng General Headquarters Service Command, matapos magtamo ang mga ito ng mga sugat mula sa shrapnel ng sumabog na granada.

Suwerte namang hindi nasugatan ang 5-anyos na isa pang anak ng mag-asawa habang si De Guzman ay nagtamo rin ng ilang mga galos at mga kalmot sa katawan subalit hindi na ito kailangan pang magpaospital.

Ayon kay Marine Brig. General Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), naganap ang insidente alas-6:20 nang umaga sa military quarter na tinitirahan ng mag-asawang De Guzman.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang insidente matapos na mag-away ang mag-asawa hinggil sa hindi pa batid na bagay at makalipas nito ay isang granada na ang sumabog sa bahay ng mga ito.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng AFP at Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives dahil mayroon umanong indikasyon na ang ginang ang nagpasabog ng granada nang aktong aalis na ng kanilang bahay ang sundalong si De Guzman. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More