Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Giyera ng politika lumabnaw sa pagpanaw ni Susan

0 100

Ang pagpanaw ng Reyna Ng Pelikulang Pilipino ang nagbaba sa kurtina ng mundo ng politika. Lumabnaw ang mga bangayan.

Si Ms. Susan Roces ang naging susi para kahit paano’y mabalanse ang mundo ng showbiz at politika.

Nagluluksa ang buong bayan ngayon dahil sa pagpapaalam ng tinanghal na tunay na reyna ng industriya ng pelikulang Pilipino. Maraming nabigla dahil walang pahimakas ang kanyang pamamaalam.

Tatlong araw lang sa Cardinal Santos Medical Center si Manang Inday. Ayaw pa nga niyang magpaospitalo, takot na takot siya sa ospital, kahit nga pagpapa-check-up ay hindi niya regular na ginagawa.

Napansin lang ni Senadora Grace Poe ang kanyang pangangayayat, hindi na kasi siya nagkakakain, sabi niya sa kanyang manager na si Tita Dolor Guevarra ay hindi na siya masyadong kumakain dahil isinusuka rin niya agad.

Sa kuwento nga ni Tita Dolor ay ayaw na ayaw niyang nang-aabala ng ibang tao, hindi siya nagrereklamo, tinitiis niya ang lahat.

Mapayapa ang pagpapaalam ni Manang Inday, naganap sa kanya ang dasal ng marami na sana, sa kanilang pag-alis ay natutulog lang sila.

Ganu’n ang naganap kay Manang Inday, May 17 siya dinala sa ospital, sa ikalawang araw ay nakatulog na siya at sa ikatlong araw ay tuluyan na siyang nagpaalam.

Kuwento ni Tita Dolor, “Nu’ng May 20 nang hapon, tinawagan ko na si Manang Grace. Kinakabahan ako, e. Sabi ko sa kanya, ‘Ano na ba talaga ang nangyayari? Sabihin mo sa akin ang totoo!’

“Nag-usap kami, tapos, sinabi niya, ‘Tita Dolor, kailangan na raw nating maghanda.’ Napakalakas ng ulan nu’n, wala pa akong driver, pero sinabi ko kay Manang Grace, tatakbo kami nina Jaypee at Aness sa ospital.

“Grabe ang ulan, walang tigil, baha pa sa ibang parte ng Commonwealth. Pero nu’ng nasa EDSA na kami, walang traffic! Kaya nakarating kamin agad sa Cardinal,” pahayag ni Tita Dolor.

Sa araw-araw ay sila ni Manang Inday ang palaging magkausap. Ang paborito nilang paksa—pagkain. Bilin ni Manang Inday, hindi masamang kumain ng masarap, pero kailangang kontrolado lang sa dami.

Pinadadalhan palagi ng pagkain ni Tita Dolor si Manang Inday, masarap magluto ang kanyang anak na si Jaypee at si Tita Dolor kapag nagluto ay makakalimutan mo ang pangalan mo sa sarap, kaya nagkakasundo sila ni Manang Inday.

Sabi ni Tita Dolor, “Hindi pa ako makaiyak ngayon, pero masakit na masakit sa akin ang pagkawala ni Manang Inday. Bumulong nga kaming mag-iina sa kanya.

“Nagpasalamat ako sa lahat ng tulong at pagmamahal niya sa pamilya ko. Ibang magmahal si Manang Inday, grabe rin siyang magmalasakit, maraming taon pa ang lilipas para makapag-move-on ako sa pagkawala niya,” basag ang boses na sabi ng manager ni Manang Inday.

Kaligayahan ang magpasaya

Naging bahagi kami ng pagiging plantita ni Manang Inday. May malawak siyang farm sa Lipa City, kapag maluwag ang kanyang oras ay du’n lang siya matatagpuan, nagtatanim siya ng mga gulay na ipinangreregalo niya sa mga kaibigan at hindi ibinebenta.

Bayung-bayong na gulay ang ipinadadala niya sa amin, pinadadalhan naman namin siya ng bigas na galing sa Nueva Ecija, nakadadagdag ‘yun ng kanyang gana kapag kumakain siya.

Mula nang mawala si Tito Ronnie ay nilibang ni Manang Inday ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga gulay sa kanyang farm.

Napakasaya niya kapag harvest time na, inaatado niya ‘yun at ipinadadala sa kanyang mga kaibigan, kaligayahan na ni Manang Inday ang magpasaya sa mga taong mahal niya.

Manang Inday ililibing sa tabi ni Da King

Kagabi ay bumaba mula sa Ilocos Sur ang buong cast ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ na pinagbibidahan ni Coco Martin. At hindi lang ang mga artista ng serye, buong produksiyon ang nagpunta sa Heritage Park para magbigay ng pinakahuli nilang pagrespeto kay Manang Inday na gumanap bilang si Lola Flora, isandaan at limampu ang kanilang bilang.

May ginaganap na misa gabi-gabi mula nu’ng Sabado at ang huling gabi ng lamay ay bukas dahil sa Miyerkules na ang nakatakdang paghahatid sa huling hantungan kay Manang Inday.

Sa North Cemetery ang libing, magkatabi ang puntod nila ng Hari Ng Pelikulang Pilipino, ang kanyang asawang si FPJ.

Wala nang makapagpapahiwalay pa sa kanilang dalawa ngayon, habampanahon na silang magkasama, ang naudlot nilang pagsasama sa lupa ay maipagpapatuloy na nila ngayon sa kabilang buhay.

Mapayapang paglalakbay sa reyna.

Leave A Reply

Your email address will not be published.