Una sa Balita

Girl Power!

By
0 622

PALEMBANG City — Iba ang mga Eba! Iba ang Pinay power!

Pasarado na ang kurtina ng 18th Asian Games 2018 sa Gelora Bung Karno Main Stadiu­m sa Jakarta City at sa Jakabaring Sports City sa South Sumatra Province, Indonesia ngayong gabi, maaala­lang lakas ng mga Filipina ang naglagak sa diwang kayumanggi sa pangwalong magandang pagtatapos sa kasaysayan ng tuwing apat na taong paligsahan.

Nakalikom ang mga Filipino ng 4-1-15 gold-silver-bronze medal para mapabilang sa 45 bansang mga nakamedalya at lumagay sa ika-19 na puwesto sa pangkalahatan. Pang-6 sa mga kapitbahay sa Southeast Asia o karibal sa SEA Games. Higit na matagumnpay ang kampanya ng Pinas ngayon kumpara sa partisipasyon noong 2014 Incheon Asian Games na kumubra lang ng isang gold mula kay Daniel Caluag sa BMC Cycling.

Ang unang pitong best finish ng bansa rito ay 14-14-17 sa 1954 Manila AG; 8-19-21 sa 1958 Tokyo; 7-6-25 sa 1966 Bangkok; 5-6-8 sa 1951 New Delhi; 4-6-9 sa 2006 Doha; 4-5-9 sa 1986 Seoul at  4-4-6 sa 1978 Bangkok.

Huling pambato ng bansa ngayong umaga sa mixed team triathlon sina Marion Kim Mang­robang, Ma. Claire Adorna, Nikko Bryan Huelgas at Mark Hosana.

Salamat sa kagila-gilalas na mga tikas nina 2016 Rio de Janeiro Olympian silver meda­list Hidilyn Diaz na nagbigay ng unang gold noong Martes, Agosto 21 sa weightlifting women’s 53-kilogram, nadaig ang 11 karibal, kabilang ang mga nag-silver-bronze na sina Kristina Sremetowa ng Turkmenistan at Surod­chana Khambao ng Thailand.

Poste ang 27-taong-gulang na dalagang tubong Zamboanga City, may taas na apat na talampakan-11 pulgada, ng 92-kilogram sa snatch at 115 sa clean & jerk para sa 207 total lift, 1 kilo panalo kay Sermetowa na tumalo sa kanya noong 2017 Anaheim World Championships.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos na nanalo na rin tayo ng gold medal na matagal ng pangarap nating mga Filipino,” maluha-luhang bulalas ni Diaz, sa unang gold ng bansa sa sport sapul noong 1951, humigit sa 5 silver nina Salvador del Rosario noong 1970 sa Bangkok, Pedro del Mundo, Rodolfo Caparas at Rodrigo del Rosario noong 1954 sa Manila, at Rodrigo ulit noong 1951 sa New Delhi.

“Sa Olympics walang nag-aakalang mananalo ako ng medal. Dito sa Asiad lahat umaasa. Sa nakalipas na 2-3 buwan hirap ako. Konti lang ang tulog, pero tinuloy ko lang ang training at pananampalataya ko sa Kanya.”

Pagkalipas ng dalawang araw sa makasaysayang panalo ni Diaz sa Jakarta International Expo Hall, isang taga-San Ildefonso, Bulacan ang umeksena, hinambalos ang gold sa golf women’s individual sa kagila-gilalas na buwelta at kinarga ang national trios sa gold din sa team play, kasama si individual bronze winner Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go sa Pondok Indah Golf and Country Club.

“I feel very happy. I really don’t know what to say,” nguso ni Saso sa AG golden debut, tumapos sa may 31 taong tagtuyot sa gold ng bansa o makaraan ang men’s individual men’s win ni Ramon Brobio noong 1986 Seoul AG.

Ito rin ang unang gold ng isang Pinay at PHL women’s team sa 27 taon sa nasabing dibisyon o pagkaraang mapabilang ang women’s golf sa Asiad medal sport noong 1990 sa Beijing. Kung susumahin, higit na matagumpay ang kampanya ngayon ng bansa sa Asiad kumpara sa 2014 Incheon Games na isang gold lang ang nahablot mula kay Da­niel Caluag  sa BMX cycling.

Hindi naman puma­yag ang delegasyon ng bansa na mabobokya sa Palembang ng South Sumatra Province, 434 kilometro ang layo buhat sa Jakarta.
Kaya sa ika-11 araw ng mga aksyon noong Miyerkoles, Agosto 29, ginawang sariling palaruan ni Margielyn Arda Didal, 19, ng Lahug, Cebu City ang Jakabaring Sports City skatepark stadium, sa pagsubi ng pang-4 at maaring huling gold ng Team PHL sa skateboarding women’s street.

“Sobra pong saya, ginawa ko lang ang lahat ng makakaya ko. Sobra ang saya po, lalong-lalo na para sa mga skateboarder natin,” wika ni Didal na 1 sa 5 supling ng karpintero’t kwek-kwek vendor. “Gusto ko rin pong maipakita na ang skateboarding ay serious sport at masaya rin.”