Una sa Balita

Gina Lopez na sa DENR: “Be very scared, mining companies!”

By ,
0 6

Pormal na tinanggap ni ABS-CBN Foundation Chairperson Gina Lopez, ang alok ni President-elect Rodrigo Duterte na maging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Si Lopez ay kilala bilang environmentalist dahil sa kanyang mga advocacy at programang may kaugnayan sa kalikasan.

Maliban dito, matindi ang paninindigan niya laban sa mining activities at coal-fired power plants.

Kaya naman ito ang reaksyon ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat, dating chairman ng House committee on indigenous peoples, “The mining companies, be afraid. Be very afraid.”

Umaasa si Baguilat na tatapusin na ni Lopez ang problemang ito bago pa man tuluyang mapatag ng mga minero ang mga kabundukan sa bansa at mapalayas ng tuluyan ang mga katutubo sa kanilang ancestral land.

Bagama’t medyo ikinagulat ni Lopez ang alok ni Duterte, pumayag na rin siyang hawakan ang nasabing ahensya upang lalong maisulong ang pangangalaga sa kalikasan na isa sa kanyang priority.

Ilang oras matapos tanggapin ni Lopez ang posisyon, bumagsak ang mining at oil stocks sa pagsasara ng trading sa Philippine Stock Exchange (PSE) kahapon.

Kabilang sa mga naapektuhan sa pagbulusok ng share prices ay ang Philex mining, Philex Petroleum Corp., Lepanto Consolidated Mining, Apex Mining at Manila Mining Corp.