Una sa Balita

Gilas Pilipinas bumawi, Iraq dinomina

By
0 136

Muling natagpuan ng Team Philippines ang tikas sa shooting at tinumba ang Iraq sa mainit at mapisikal na sultada, 85-74, sa 39th Jones Cup 2017 kagabi sa Taipei Heping Basketball Gymnasium sa Taiwan.

Pagkaraan ng 1-of-26 sa beyond-the-arc shooting sa 72-83 loss sa old rival South Korea kamakalawa,­ nakapagsalpak ang Pilipinas ng 7-for-21 ­tungo sa fourth win sa six games sa 10-team, 9-nation, 9-day annual cagefest.

Tatlong 3-point shots nina Matthew Wright at RR Pogoy kasama ang dakdak ni Kobe Paras ang nagpa­ratsada sa Nationals para matangay ang 36-22 abante sa halftime, na napalobo pa sa 18 pagkaraan ng tres ni Kevin Ferrer sa third canto.

Nagkabalyahan, tulakan at iba pang ‘bigayan’ ang magkabilang panig na nagresulta ng ilang unsportsmanlike at technical fouls. Pero hindi nagpatinag ang Filipino quintet na nakipagsabayan hanggang sa hu­ling saglit at nagsalya sa karibal sa 3-3.

Kaya baka mas maging mainit pa at kapana-­panabik ang nalalapit na rematch agad ng dalawa sa 29th International Basketball Federation Asia Cup 2017 sa Lebanon sa papasok na buwan.

Binitbit ni Michael Myers ang mga Pinoy sa atake sa pagkayod ng 16 points at 18 rebounds.

Sumaklolo si Kiefer Ravena ng 13 points at six ­assists, may 10 pts. at 4 rebs. at 2 assists si Jiovani Jalalon.

Ang naturalized player na si  Demar Mayfield ang namuno naman sa Iraqis sa tinapos na 29 markers, 4 boards, 4 dimes at 6 steals.

Nasa landas ng ‘Pinas ngayong alas-tres ng hapon ang Lithuania. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy