Una sa Balita

Gilas Pilipinas balik Asian Games

By
0 176

Matapos gulatin ang buong bansa sa kanilang desisyon na hindi na magpapadala ng koponan ng basketbol ang Pilipinas sa darating na 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia, kumambiyo muling bigla ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at nagpasyang ipadala ang isang naiibang Gilas Pilipinas sa Asian Games. Ikinasiya ng mga tagasubaybay ng basketbol sa Pilipinas ang muling paglahok ng ating mga basketbolista bagama’t ilang araw na lamang at magsisimula na ang tungalian.

Marahil na rin dahil sa panawagan ng napakaraming taga-hanga ng basketbol kung kaya’t nagbago ang pasya ng SBP.

Gayundin marahil, napagtanto ng samahan na ang isang naiibang Gilas Pilipinas sa 2018 Asian Games ay may kakayanan ding maki­pagtungali sa ibang mga Asyanong bansa at magbigay karangalan sa ating kababayan.

Ngayong muling dadal­hin at iwawagayway ng ating mga Filipinong basketbolista ang bandila ng Pilipinas sa Asian Games, pagtangkilik at suporta ang panawagan ng ating koponan.

Bagama’t kulang dalawang linggo na lamang at magsisimula na ang tunggalian, naniniwala ang maraming taga­hangang Pinoy na sapat pa rin ang panahon upang makapagpalakas at makapagpa­tibay ang Gilas Pilipinas. Muntik na sana tayong magpapahiwatig ng isang negatibong signal sa pandaigdigang komunidad ng basketbol dahil sa pag-atras natin sa laban. Mabuti na lamang at muli nating napatunayan ang ating paninindigan sa ‘never-say-die spirit’ ng mga atletang Pinoy.

Naaalala ko pa ang mga panahong dalawang koponan pa ang ating inihahanda – isa para sa ABC Basketball Tournament at ang isa naman ay para sa Pesta Sukan. Parehas na mahusay ang bawat koponan at nagtutulungan sila upang maiangat ang kalidad ng larong basketbol sa Pilipinas. Marahil ay maaari pa ring gamitin sa kasalukuyan ang modelong aking nabanggit.

Sa pakikipagbakbakan ng mga basketbolistang Pinoy sa Jakarta, puno ng pag-asa ang ating kababayan na karangalan ang kanilang maiuuwi, bukod pa sa pagpapatunay ng karaniwang kasabihan nating mga Filipino pagdating sa basketbol: “Bilog ang bola.” Walang sinuman ang makapagtuturan ng magiging kapalaran ng ating pambansang koponan sa Asian Games.

Subalit bitbit ang pag-asa at bunsod ng layunin na makapagbigay karangalan sa bansa at sa samba­yanang Filipino, lubos ang aking tiwala na makakamit ng isang bagong Gilas Pilipinas ang tagumpay sa ­Indonesia.