Una sa Balita

GIGIBAIN SI PATRICIA

By , ,
0 4

“Bukas po tayo sa mga imbestigasyon para malaman ng lahat na ninakaw at dinoktor ang mga dokumento upang idiin ako sa mga inaakusa nilang isyu lalo na ang ukol sa properties.”

Sagot ito ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa mga alegasyon ng kanyang misis na si Patricia na mayroon siyang ill-gotten wealth.

Sinabi ni Bautista na handa siyang harapin ang mga alegasyon ng kanyang asawa na kung tutuusin umano ay nagawa pa siyang i-blackmail nito.

Hindi rin umano itinuturing ni Bautista na makakasira ang mga pagsisiyasat na gagawin ng National Bureau of Investigation at ng Kongreso kundi pagkakataon ito para masabi niya ang katotohanan.

Naniniwala si Bautista na mas magigiba umano nito ang mga alegasyon laban sa kanya kung mas malaliman ang imbestigasyon.

Ipinahayag naman ng kampo ni Patricia sa pamamagitan ni Atty. Bernard Benjamin Aniag na marami pa silang ebidensiyang ilulutang kapag nagkaroon ng imbestigasyon.

Nilinaw rin nitong hindi ilegal ang pagkakaroon nila ng mga hawak na dokumento dahil conjugal house naman ang pinagmulan nito. Pareho umanong may access ang mag-asawa sa bahay, kaya hindi totoo ang akusasyong ni-ransack ang mga cabinet para makuha ang mga papeles.

Handa rin umano si Pat­ricia kung mag-imbes­tiga ang Senado sa ale­gas­yong may ill-gotten wealth ang Comelec chief.

Gayunman, nanindigan si Bautista na pawang gawa-gawa lamang at walang sapat na ebidensiya ang mga ibinibintang laban sa kanya ng asawa.

Kaya nagdududa umano ito sa inilalabas na dokumento ng kampo ng misis dahil ninakaw ang mga ito sa kanilang bahay.

“Marami na silang pinepeke, I can show you all the list there are certain bank accounts which they inserted into it. Tulad na lamang sa HSBC na $948,000 Hong Kong, kung meron mang ganyan kanila na lang ‘yan,” giit ni Bautista.

Samantala, hindi umano pabor si Sen. Richard Gordon na imbestigahan ang mga alegasyong may ill-gotten wealth si Bautista dahil baka masampahan ito ng impeachment case sa Kamara at magiging judge ang mga senador kapag inakyat ang kaso sa Senado.

Itinutulak naman nina Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto at Sen. Francis Escudero na maimbestigahan si Bautista dahil kung nagawa umano ito ng Senate Blue Ribbon Committee kay dating Vice President Jejomar Binay ay maaari rin itong gawin sa Comelec chief.

Sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na kung mayroong nilabag na batas si Bautista ay hindi ang Kongreso ang may tungkulin na mag-imbestiga rito kundi ang ibang ahensya ng gobyerno.

Sa panig ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, ipinaliwanag nito na ang House committee on justice lang ang pwedeng mag-imbestiga sa mga impeachable officials kapag may impeachment case na inihain laban sa kanila.