Una sa Balita

Gawing ligtas ang mga pampublikong lugar para sa kababaihan

0 62

Ang usapin ng seguridad sa mga pampublikong lugar ay dapat maging prayoridad ng ating mga lokal at nasyonal na pamahalaan. Nakakabahala ang dumaraming kaso ng kababaihan at kabataan na nabibiktima ng krimen at pang-aabusong sekswal sa mga kalsada at iba pang pampublikong lugar.

Hindi dahilan kung nasaang lugar, edad, kasarian at kasuotan, ang pambabastos sa mga kababaihan ay dapat walang puwang sa isang moderno, mo­ral at demokratikong lipunan. Ang ating mga kababayan ay dapat pinoprotektahan upang makagalaw ng ligtas at walang pangamba.

Dahil dito ay binabati ko si Dagupan City Councilor Maybelyn Rose DC Fernandez at ang lokal na pamahalaan ng Dagupan sa Pangasinan dahil sa pagpasa nila ng Ordinance No. 0-671 sa pagtataguyod ng mga ligtas na lugar o Safe Spaces para sa mga kababaihan, kabataan at komunidad ng LGBTQ. 

Tama si Councilor Maybelyn sa pagsaad sa kanyang ordinansa na ang harassment sa kalye ay maaring sa tingin ng iba ay maliit na bagay lamang suba­lit ito ay nagbibigay permiso para bastusin ang isang tao at ang kanyang karangalan. Hindi lamang nakakainis ang pambabastos sa kalye kung hindi may kaakibat din itong da­mage sa psychological na aspeto ng isang taong nabastos.

Ang Dagupan City Street Harassment Prevention Ordinance ay isang magandang ehemplo ng ordinansa na puwedeng gayahin ng iba pang lokal na pamahalaan sa bansa. Papatawan ng hanggang P5,000 ang mambabastos sa kababaihan sa pampublikong lugar. Sa ganitong uri ng lokal na batas, mapoprotektahan ang ating mga kababayan.

Maihahalintulad ang ordinansang ito sa iba pang ordinansang nauna ng naipasa ng Quezon City at Manila sa pagtataguyod na magkaroon ng safe streets sa ating bansa. Nakakataba ng puso sapagkat isa-isang nagkakaroon ng ganitong uri ng mga batas ang ating mga lungsod para sa ating mga kababaihan. Ang dalangin natin ay sumunod rin ang iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa buong Pilipinas at magkaroon ng kanya-kanyang Safe Streets Ordinances.

Bilang Chair ng Senate Committee on Women, ay tinutulak ko ang pagpasa ng ng Safe Streets and Public Spaces Act (Senate Bill No. 1326) sa Senado. Ninanais ng panukalang ito ang pagbawal at pagparusa sa lahat ng klaseng gender-based harassment sa mga pampublikong lugar.

Makakaasa kayo na patuloy nating ilalaban ang kaligtasan at dignidad ng ating mga kababaihan. Walang puwang ang mga bastos sa isang progresibong lipunan. Igalang natin ang bawat isa.