Una sa Balita

Gawing batas ang Philippine High School for Sports Act

0 323

Basketball, chess, boxing, swimming, track and field, bowling—anuman ang sports na piliin, hindi makakaila ang pagkahilig ng mga Pinoy dito.

Marami naman kasi ang naidudulot na kabutihan nito sa pa­ngangatawan ng isang indibidwal maging sa paghubog ng kanilang karakter.

Taong 1924 pa noong simulang lumahok ang Pilipinas sa Summer Olympic Games kung saan 10 medalya ang naipanalo ng mga atletang Pinoy. Sa 13 Pilipinong atleta na sumali sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, si Hidilyn Diaz sa dibisyon ng Women’s Weightlifting lamang ang natata­nging representante ng ating bansa.

Ilan lamang ito sa mga indikasyon ng kakulangan sa suporta at aksyon sa pagpapabuti ng industriya ng sports sa Pilipinas. Sino o ano nga ba ang naging sanhi nito? Maraming pagkukulang, nasayang at mga pagkakataon na ito ay hindi nasolusyunan, ngunit walang nagawa dahil sa maraming kadahilanan.

Alam natin ang mga pagkukulang tulad ng suportang pampinansyal, imprastraktural at polisiya mula sa gobyerno. Hindi tulad sa ibang bansa, bilyon-bilyong piso ang inilalaan ng gobyerno upang suportahan ang kanilang mga atleta, sa ating bansa ay P207.7 milyon lang ang alokasyon sa Philippine Sports Commission sa iminumungkahing 2020 budget.

Huwag na tayong magsisihan pa, dapat ay ang agarang aksiyon. Lalo pa’t ang ating magigiting at kapuri-puring atleta ay nagbubuwis ng kanilang buhay sa pag-eensayo at pakikipaglaban, maibigay lamang ang pinakamataas na da­ngal para sa bayan.

Ito ang dahilan kaya ating isinusulong ang Senate Bill No. 1086 o ang Philippine High School for Sports Act of 2019. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, tungkulin ng inyong lingkod na magpatupad ng mga polisiyang akma sa Konstitusyon ng Pilipinas.

Sa pamamagitan ng nasabing panukala, makakapagpatayo tayo ng national high school na Philippine High School for Sports (PHSS) sa New Clark City sa Capas, Tarlac na magsisilbing paaralan ng mga atletang mag-aaral.

Sakop nito ang pagpapalaganap ng edukasyong pampisikal at paghihikayat ng mga sports program, league competition at amateur sports, kabilang na ang pagsasanay para sa mga laban sa ibang bansa at itagu­yod ang disiplina sa sarili, pakikipagkapwa tao at kahusayan alang-alang sa isang malusog at alertong lipunan.

Sa pagtataguyod nito, naniniwala ta­yong matagumpay nating maibabalik ang pagpapanatili at panga­ngalaga ng magandang kultura ng sports sa ating kabataan. Higit sa lahat, matututukan ang kabataan sa kanilang mga pangangaila­ngan sa paghahasa ng kanilang napiling laro.

Panahon na para mas kilalanin pa ang ating bansa bilang tahanan ng mga magigiting na kampeon sa buong mundo sa larangang ito. Hangad natin na ang mga mag-aaral ay lubusang maihanda at mahubog sa pakikipaglaban sa anumang kompetisyon, upang harapin ang mga pagsubok na puno ng ins­pirasyon, dignidad at dedikasyon para sa sarili, mahal sa buhay at bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy